
ISANG-DAAN at anim napu’t anim (116) na Suspek ang naaresto dahil sa paglabag sa iba’t-ibang uri ng krimen, nang ikasa ang isang malawakang Quezon Pulis Weekend Catch mula hating-gabi ng Agosto 12 – Agosto 13, 2023.
Ayon sa datos na isinumite kay Quezon Police Provincial Office, Provincial Director, PCOL Ledon D Monte mula sa Provincial Operations Management Unit (POMU) sa isinagawang kampanya kontra Illegal na Droga, arestado ang anim (6) drug personalities dahil sa paglabag sa RA 9165 (Illegal Drugs) at nakumpiska ang 7.12 gramo timbang ng shabu na may tinatayang halaga na Php 145,248.00.
Sa inilatag na operasyon man-hunt sa Most Wanted Persons, pitong (7) indibidwal ang nasilat; (2) ang kinilalang Regional Level Most Wanted Persons, (1) sa Provincial Level, (1) Municipal Level, at (3) ay Other Wanted Persons. Ang lahat namang nasakoteng mga Wanted Persons ay nasasangkot sa magkakaibang krimen, gaya ng Murder, Rape, Homicide, Violation of Special Laws at iba pang mga paglabag na maaaring may mabigat na piyansa o wala.
Sa mga operasyong police visibilities and swift law enforcement, pitong (7) indibidwal ang natimbog dahil sa magkakaibang kaso tulad ng Frustrated Murder, Alarm and Scandal, Disobedience to Agent of Person in Authority, Estafa, Theft, at Batas Pambansa no. 6 (Possession of Bladed Weapons).
Sa kampanya kontra loose and unregistered firearms, apat (4) na suspek ang nadakip dahil sa paglabag sa RA 10591 na kung saan ay nakumpiska sakanilang posesyon ang pitong (7) magkakaibang yunit ng baril at mga bala.
Hindi lang nagpamalas ng epektibong pagpapatupad ng batas ang mga operatiba ng QPPO, sa kampanya laban sa ilegal na sugal naitala ng 21 na operasyon at nagresulta sa pagkakaaresto ng limampu’t siyam (59) na suspek at pagkumpiska ng PHP 39,285.00 na kaubuang taya.
Samantala, (7) na personalidad naman ang nadakip dahil sa Illegal Logging kung saan nakumpiska ang 2,653 board feet ng lumbers na nagkakahalaga ng PHP 95, 805.00. Sa pangkalikasang pagbabantay, dalawampu’t anim (26) na personalidad naman ang arestado dahil sa illegal fishing activities kasama ang kanilang mga paraphernalia.
Inihahanda naman ang mga dokumentasyon upang malitis ng akma ang mga naarestong suspek batay sa kanilang paglabag sa batas. Sa kasalukuyan sila ngayo’y nasa pangangalaga ng mga responsableng police stations.
“Patunay lamang ito na hindi tumitigil ang kapulisan ng Quezon sa tahasang pagpapatupad ng batas, maging ito man ay sabado o linggo dahil sa ating pagtupad ng tungkulin ang pagpapanatili ng ating lalawigan maunlad, payapa, at ligtas ay pangunahing ating binabantayan.” ani ni PCOL Monte .