
LIGTAS na ang 13 tripulante na na-rescue ng Philippine Coast Guard mula sa lumubog na fishing vessel sa karagatang sakop ng Calatagan, Batangas nitong Linggo, Agosto 27.
Ayon sa PCG, bandang 6:45 ng umaga nang nakatanggap sila ng ulat mula sa Agutaya Police patungkol sa lumubog na Anita DJ II na isang bangkang pangisda.
Agad nila itong ipinagbigay-alam sa kanilang mga substations sa Calatagan, Nasugbu, at Occidental Mindoro na sila namang agarang rumesponde sa lugar upang magsagawa ng rescue operations.
Nagbigay naman ng medical assistance ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga nailigtas na tripulante. Nakipag-ugnayan rin ito sa MDRRMO, local tourism officials, at mga opisyal ng barangay para sa mga kaukulang hakbang sakaling magkaroon ng oil spill sa lugar.
Inabisuhan naman ng Coast Guard Station Batangas ang Marine Environmental Protection Group at Coast Guard Station Mabini Batangas na makipag-ugnayan sa mga oil companies para sa pagtulong sa posibleng oil spill response.
Ayon sa PCG, galing Navotas Port ang bangkang pangisda na pagmamay-ari ng IRMA Fishing at patungo sana sa Palawan Fishing grounds. PIA4A