AABOT sa 15 na public utility vehicles (PUV) ang inimpound ng Land Transportation Office (LTO) sa ikinasang anti-colorum operations nito sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) nitong umaga ng Miyerkules, Oktubre 11.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, kasabay ito ng isinagawang road worthiness inspection at surpresang drug test ng LTO-National Capital Region sa pamumuno ng Regional Director na si Roque Vorzosa III sa PITX na nagresulta sa pagkakahuli ng limang tsuper ng PUV matapos magpositibo sa paggamit ng iligal na droga.
Sinabi pa ni Mendoza na binubuo ang mga naimpound na sasakyan ng siyam na bus, tatlong UV Express, dalawang Jeepney at isang taxi.
Walo sa mga pangpasaherong bus ang naimpound dahil sa pagiging kolorum habang ang ika siyam na bus ay dahil sa mga depektibong piyesa at hindi paglalagay ng plaka.
“Umpisa pa lang ito ng agresibong operasyon na gagawin ng inyong LTO hindi lamang dito sa Metro Manila kung hindi sa buong bansa. Magsilbi sana itong babala sa mga driver at operator ng mga colorum na sasakyan na ito na tumigil na sa iligal nilang gawain,” wika ni Mendoza.
“Mahigpit ang bilin ng ating DOTr Secretary Jaime Bautista tungkol sa mga colorum na ito dahil ang naapektuhan ng mga iligal na operasyon ay mga lehitimong mga driver at operator na sumusunod sa alituntunin ng ating pamahalaan,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Director Francis Almora, pinuno ng LTO Law Enforcement Service na ang operasyon ay alinsunod sa atas ni Assistant Secretary Mendoza na paigtingin ang intelligence gathering gayundin ang pagpapatupad ng batas laban sa mga kolorum na PUVs.
Bilang tugon sa mga natanggap na intelligence reports, sinabi ni Almora na nagtungo ang kanilang mga tauhan sa PITX sa Parañaque City na nagresulta sa pagharang ng 14 na sasakyan.
Walang maipakitang katibayan ang mga tsuper nang tanungin kung may hawak silang dokumento na nagsasabing maaari silang mag operate.
Sa panig ni Verzosa, aabot sa kabuuang 101 na mga tsuper ng PUV ang sumailalim sa surpresang drug test bilang bahagi ng inspeksyon.
Una nang ipinangako ni Mendoza na paiigtingin ang kanilang kampaniya kontra sa mga kolorum na PUV bilang bahagi ng road safety measures.
“Magiging tuloy-tuloy ang ating road worthiness inspections lalo na at palapit na ang Undas at barangay elections kung saan inaasahan natin ang pagdagsa ng ating mga kababayan pauwi sa kani-kanilang probinsya,” ani Mendoza.