HANDA na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagdeklara ng blue alert nitong araw ng Linggo, bago ang Traslacion bukas, Enero 9, 2024, kung saan inaasahan ang pagdalo ng 2.3 milyong deboto.
Ang blue alert ay masusing binabantayan ng NDRRMC ang kaganapan at nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na kasama sa aktibidad.
Sa pangunguna naman ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at ni Mayor Honey Lacuna-Pangan, itinayo ang isang medical post na magbigay serbisyong pang-medikal sa mga minor injuries sa panahon ng Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Ang medical post na ito ay mayroong kapasidad na 30 kama na para tugunan ang iba’t ibang mga kaso na maaaring maganap mula sa mga minor injuries hanggang sa mga pangangailangang pangkalusugan o medical na nangangailangan ng agarang atensyon.
Nasa 34 na fire trucks, 46 na ambulansya, 10 na rescue boats, 6 na utility vehicles, at 12 K9 units ay naka-standby upang tugunan ang bawat posibleng senaryo upang matiyak na magiging ligtas at maayos ang kalagayan ng deboto.
Base naman sa Philippine National Police, wala silang nakuha na seryosong banta na maaaring makasira sa Traslacion ngayong taon, kung saan inaasahan ang 2.3 milyong Pilipino na magdaraos sa kaganapan.
“Wala pa naman tayong nakukuha o nare-receive na impormasyon na maituturing na seryosong banta para ma-disrupt itong Traslacion. Pero we are not lowering our guard. Sabi ng ating chief PNP, we are hoping and praying for the best, but we are also prepared to address at kaharapin ang ilang mga banta na maaari nating ma-receive,” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa isang panayam radyo.
Simula noong Sbado pa lamang ng gabi tinatayang nasa 10,000 deboto ang nagtipon sa Quirino Grandstand ,simula ng tradisyunal na “pahalik” ng Itim na Nazareno, ayon sa Manila Police District (MPD) noong Linggo.
Samantala, nilinisan at binomba ng tubig ang mga kalsadang dadaanan ng mga deboto bukas upang masiguro ang kaligtasan ng mga naka-paang deboto na lalahok sa Traslacion bukas.