
TIMBOG ang dalawang Pakistani makaraang mahulihan ng ilegal na droga na nagkakahalagang P235,000,000 sa isinigawang buy bust operation ng mga awtoridad sa parking lot ng Diamond Hotel sa Roxas Blvd. Service Road, Brgy. 699, Malate, Manila bandang 9:10 PM nitong Huwebes, Hunyo 6, 2024.
Sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsama-samang mga operatiba ng CIDG RFU 4A na pinamunuan ng bagong nakatalagang Regional Chief Col Reynante Panay kasama ang SOU NCR, PNP DEG; Batangas Police Provincial Office, Regional Intelligence Division (RID) ng PRO 4A, RID ng NCRPO; RPDEU 4A; RPDEU, NCRPO; Malate Police Station 5; PDEA SES; at Bureau of Immigration, Fugitive Section ay humantong sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Tinukoy ng bagong nakatalagang Batangas Provincial Director na si Col Jack Malinao ang dalawang suspek na Pakistani na sina Zahid Pasha, 50 taong gulang, na kasalukuyang naninirahan sa Malate, Manila at si Akram Muhammad Faheem, 59 taong gulang, na naninirahannaman sa Parañaque City.
Nakuha mula sa mga suspek ang sampung (10) puting malalaking plastic packs ng pinaniniwalaang Ketamine na may timbang na 47 kilo at nagkakahalagang P235,000,000.
Sa ulat ng pulisya, si Pasha ay naaresto sa parking lot ng isagawa ang buy-bust operation habang naaresto naman sa follow-up operation si Faheem sa lobby ng hotel.
Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay nasa pansamantalang pangangalaga ng PNP Drug Enforcement Group sa Camp BGEN Rafael T Crame, Quezon City para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.