SA inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong darating na Kapaskuhan, sinimulan na ngayong araw December 1 hanggang December 31, 2022 ang pagpapatupad ng 24/7 operations sa Libreng Sakay sa EDSA Busw alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kaugnay na rin nito ang pag-extend ng mall hours mula 11 AM hanggang 11 PM sa Metro Manila, upang matulungan ang mga komyuter .
“Ang inisyatibong ito ng DOTr at LTFRB ay paraan upang siguruhin na may masasakyan ang lahat ng ating mga pasahero beyond the usual operating hours sa EDSA Busway. Bukod sa hindi na nila kailangang isipin ang pamasahe, makasisiguro rin sila na mabilis ang kanilang magiging pagbyahe,” saad ni DOTr Secretary Bautista.
Paiigtingin din ng DOTr, sa pamamagitan ng InterAgency Council for Traffic – IACT ang security operations ngayong 24/7 na ang byahe sa EDSA Busway.
“Pangunahing konsiderasyon natin ay ang kaligtasan ng ating mga pasahero. Bago pa simulan ang 24/7 operations, paghahandaan na ito ng ating traffic enforcers mula sa I-ACT upang tiyaking magiging matiwasay ang pagsakay at pagbaba ng bawat komyuter sa EDSA Busway, lalo na ngayon na inaasahan nating mas tataas ang ridership ngayong buwan ng Disyembre,” dagdag pa ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven C. Pastor.
Maglalabas din ang LTFRB ng Board Resolution upang gawing pormal ang direktibang ito sa mga operator ng EDSA Busway na nasa ilalim din ng Service Contracting Program ng nasabing ahensya.
“Malaking tulong ang 24/7 operations ng Libreng Sakay sa EDSA Busway sa mga nagtatrabaho sa mga BPO, call center, at mga empleyado ng mall na pinalawig din ang oras ng operasyon. Makakasiguro ang mga pasahero sa carousel na meron silang masasakyan nang libre 24/7,” pahayag ni LTFRB OIC-Chairperson Riza Marie T. Paches.
Matatandaan na noong August 16, 2022 ay nagdagdag ng Php 1.4 bilyong pondo ang Department of Budget and Managament (DBM), sa pangunguna ni Secretary Amenah F. Pangandaman, upang i-extend ang Libreng Sakay sa EDSA Busway at bilang suporta na rin sa implementasyon ng Service Contracting Program ng DOTr at LTFRB.