
ARESTADO ang 29 na drug personalities sa isinagawang dalawang araw na Anti-Illegal Drugs Operations ng Laguna PNP kung saan kumpiskado ang Php 429,246.00 halaga ng droga.
Sa pamumuno ni Police Colonel RANDY GLENN G SILVIO, Acting Provincial Director, Laguna PPO inilunsad ang kampanya ng Laguna PNP laban sa ipinagbabawal na droga na nagresulta sa isinagawang 23 na operasyon sa buong lalawigan kung saan nasamsam ng mga awtoridad sa mga arestadong suspek ang humigit-kumulang sa 63.12 gramo ng hinihinalang shabu at 0.25 gramo ng marijuana na may kabuuang halagang aabot sa Php 429,246.00
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kanya-kanyang operating units ang mga naarestong suspek habang ang mga kumpiskadong ebidensya ay isusumiti sa Crime Laboratory para sa forensic examination habang nahaharap naman ang mga naarestong suspek sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Sa pahayag ni PCol Silvio, “Bilang pagtalima sa panawagan ng ating Regional Director PRO Calabarzon , PBGen Carlito M Gaces at Chief PNP, PGen Benjamin C Acorda Jr. ay mas palalakasin pa ang kampanya kontra ilegal na droga ng Laguna PNP at hindi po titigil ang inyong kapulisan upang tuluyang mailayo ang ating mga kababayan sa pinagbabawal na gamot lalo na ang mga kabataan sa buong lalawigan ng Laguna.”