INAPRUBAHAN ng Kapulungan sa ikalawang pagbasa, ang House Bill (HB) 9648, o ang panukalang “New Government Procurement Act” na pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez nitong Miyerkules.
Ang HB 9648, na isa sa prayoridad na panukala ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC), ay naglalayong ipawalang bisa ang Republic Act 9184, o ang “Government Procurement Reform Act,” upang higit pang mapabuti ang government procurement system para sa mas matipid, malinaw, mapagkumpitensya, mabilis, napapanatili at inklusibong mga aktibidad sa pamimili ng pamahalaan, maging ito ay independiyenteng mapagkukunan ng pondo, lokal man o dayuhan.
Layunin ng HB 9648 na magtatag ng uniform procurement procedures, at documentation habang nagpapatupad ng electronic procurement platform upang mapahusay ang transparency.
Ang HB 9648 ay itinaguyod ni Committee on Revision of Laws Chairperson at Manila Rep. Edward Vera Perez Maceda.
Pasado rin sa ikalawang pagbasa ang HB 9663, o ang panukalang “National Water Resources Act,” isa pang prayoridad ng LEDAC, at kabilang sa mga prayoridad na isinulong ni PBBM sa kanyang 2023 State of the Nation Address.
Ang panukalang batas ay naglalayong lumikha ng Department of Water Resources at magtatag ng pambansang balangkas para sa pamamahala ng yamang tubig.
Ang panukalang kagawaran ang magiging pangunahing ahensya na responsable sa masusi at nagkakaisang pagkakakilanlan at pagmamapa ng lahat ng yamang tubig, gayundin sa pagpaplano, paglikha ng patakaran, at pamamahala.
Isa pang prayoridad na batas ng LEDAC, ang HB 9673, o ang panukalang “Philippine Cooperative Code of 2023,” ang pasado rin sa ikalawang pagbasa.
Ang iba pang panukalang batas na inaprubahan sa ikalawang pagbasa ay (1) HB 8841, o ang panukalang “Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport Act,” (2) HB 9674, o ang panukalang “Revised Government Auditing Code of the Philippines,” at (3) HB 9682, institutionalization the grant of teaching supplies allowance para sa mga public qschool teachers.
Pinangunahan nina Deputy Speakers Antonio Albano, Yasser Alonto Balindong, at Vincent Franco Frasco ang sesyon sa plenaryo ngayong Miyerkules.