Camp Capinpin , Tanay, Rizal- TATLONG miyembro ng communist terrorist group ( CTG) ang namatay sa bakbakan nang makasagupa ang mga militar sa Tuy, Batangas, nitong Linggo, Hunyo 23.
Namataan ng tropa ng 59th Infantry “Protector” Battalion (59IB) ng 2nd Infantry Division sa Barangay Acle, ang mga armadong grupo na nag-ooperate sa Southern Tagalog habang nagsasagawa ng operasyon pangseguridad sa mga residente .
Naganap ang sampung minutong bakbakan sa kalapit na barangay ng Bolboc, matapos habulin ng mga sundalo ang tumakas na mga komunistang terorista.
Nagresulta ng pagkasawi ng dalawang lalaki at isang babaeng terorista habang wala namang naiulat na sugatan sa panig ng militar.
Nakumpiska ng mga sundalo ang isang M16, Uzi rifle, R4 rifle, at improvised na granada.
Ipinaaabot naman ni 2ID Commander Maj. Gen. Roberto Capulong ang kanyang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng mga nasawing terorista, bagaman hindi sila natutuwa sa pagkamatay ng kanilang mga kapwa Pilipino, may tungkulin naman ang mga sundalo na itaguyod ang pagprotekta sa mga tao at tiyakin ang mapayapang kapaligiran para sa komunidad.
Binigyang-diin din ni Capulong ang panawagan para sa natitirang mga miyembro ng CTG na sumuko at mag-avail ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan, na nag-aalok ng iba’t ibang benepisyo, kasama ang pinansyal na tulong, programa sa kabuhayan, at psychological support sa mga dating rebelde na magnanais na magbalik-loob sa pamahalaan.