HINDI na halos makilala ang isang 4-anyos na batang babae makaraang matusta sa isang sunog na tumupok sa 16 na kabahayan sa San Andres, Maynila kahapon.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, dakong alas 2:45 ng hapon ng sumiklab ang sunog sa tahanan ng biktima sa kahabaan ng Crisolita St., bunsod ng diumano’y pagsingaw ng isang LPG tank.
Sa bilis ng pagkalat ng apoy, nadamay din ang 15 kalapit bahay na pawang yari sa light materials.
Agad namang naapula ang apoy ganap na alas 3:30 subalit hindi na nagawa pang maisalba ang batang biktima. Kwento ni Jaymart Munon, tiyuhin ng biktima, nasa ikalawang palapag siya kasama ang dalawa sa tatlong pamangking kasama niya sa nasabing tahanan.
Aniya, mabilis naman siyang nakalabas kasama ang dalawang pamangkin subalit hindi na nagawa pang balikan ang ikatlong pamangkin dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.
Sa impormasyong nakuha kay Barangay chairman Jose Abrito, buwan ng Hulyo ng nakalipas na taon nang magkasunog sa nasabing ring lugar. Pansamantalang nanunuluyan ang mga nawalan ng tahanan sa multi-purpose hall ng nasabing barangay