BLACKLISTED na sa Bureau of Immigration (BI) ang 43 Chinese nationals matapos ipadeport ang mga ito lulan ng isang flight ng Philippine Airlines patungong Shanghai sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ngayong araw ng Huwebes..
Ang mga Chinese nationals ay kabilang sa mahigit 100 na dayuhan na nauna nang naaresto ng Presidential Anti-Organized Crime (PAOCC) at ng Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center (WCPC), matapos ipatupad ang isang search warrant na inisyu ng Makati Regional Trial Court para sa alegasyong paglabag sa RA 9208 at RA 10364 o ang Anti Trafficking in Persons Act sa F.B. Harrison St. sa Pasay City.
Ang mga dayuhang chinese nationals ay nagtatrabaho sa isang establisyimento na sangkot sa mga aktibidad ng human trafficking ayon sa PAOCC at ng PNP-WCPC
Nilabag ng mga ito ang mga tuntunin at kondisyon ng kanilang mga visa, kaya naman itinuturing na banta ito sa publiko.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na kabilang na sila sa blacklisted at bawal na silang pumasok sa bansa sa mga susunod na panahon.
“Kami ay malapit na nakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang linisin ang bansa mula sa mga hindi nais na mga dayuhan na nang-aabuso sa ating pagtanggap at nananatili dito na gumagawa ng kanilang mga ilegal na aktibidad,” sabi ni Tansingco.
Binigyang-diin pa niya na hinihikayat ang mga concerned citizen na mag-ulat ng mga ilegal na dayuhan na maaaring gumagawa ng iligal na aktibidad sa kanilang lugar.