KUMPLETO na ang five-man advisory council na bubusisi at magbibigay rekomendasyon kung sino sa mahigit 900 heneral at koronel na nagsumite ng kani-kanilang courtesy resignation noong nakaraang buwan ang mananatili sa serbisyo – o sasampahan ng kaso kaugnay ng malawakang kalakalan ng droga sa bansa.
Sa kalatas ng Department of Interior and Local Government (DILG), unang tinukoy ng Interior Sec. Benhur Abalos sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Philippine National Police chief Director General Rodolfo Azurin Jr., dating Defense Secretary Gilbert Teodoro, Retired Major General Isagani Nerez.
Unang lumutang ang pangalan ni dating Sen. Panfilo Lacson na magiging bahagi ng
Advisory Council. Gayunpaman, ibang tao ang ika limang miyembrong ipinakilala ni Abalos – si Retired Justice Melchor Quirino Sadang.
Sa impormasyong ibinahagi ng kagawaran, napag-alamang nagsilbi si Sadang – isang dating propesor ng University of the East – bilang Associate Justice ng Court of Appeals, Vice Executive Judge at Presiding Judge ng Regional Trial Court.
Mula 1993 hanggang 1994, nagsilbi rin ang retiradong mahistrado bilang isa sa mga negosyador ng gobyerno sa gulong kinasangkutan ng Rebolusyong Alyansang Makabayan.
Pagtitiyak ni Abalos agad na sisimulan ang pagrerebisa ng mga impormasyon ng nasa 956 heneral at koronel bilang bahagi ng masinsinang paglilinis sa hanay ng kapulisan pagkatapos ng pulong na itinakda sa Lunes, Pebrero 13.
“Gugulong na ang pagsisiyasat. Ang importante, matanggal ang dapat matanggal sa serbisyo at ang inosente ay maproteksyunan,” pagtatapos ni Abalos.