NASAWI ang limang katao makaraang gumuho ang bahagi ng bundok sa Sitio Angelo, Barangay Umiray, General Nakar, Quezon.
Base sa ulat bandang alas 4:30 ng madaling araw ng Oktubre 25 nangyari ang insidente matapos ang sunod-sunod na pag-ulan sa lugar.
Ayon kay Mayor Eliseo “Esee”Rusol , alkalde ng Gen Nakar, kinilala ang apat na biktima na sina Ramel M. Binalao, Sherly Delos Angeles, Jonathan Delos Angeles, Dionely Datario habang ang isa ay inaalam pa ang pagkakilanlan .
Agad na isinakay ang mga labi ng mga biktima sa Black Hawk chopper ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army habang patuloy pa rin ang paghuhukay sa lugar katuwang ang Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (QPDRRMO).
Nagpahatid naman kaagad ng tulong ang Provincial Government ng Quezon mula sa tanggapan ni Governor Doktora Helen Tan para sa mga pamilyang naulila.
Namahagi na rin ng foodpacks para sa apektadong residente sa Sitio Angelo, Brgy Umiray.