SINAMPAHAN na ng patong-patong na asunto ang isang alkalde, kapatid niyang vice mayor at apat na iba pa kaugnay ng palitan ng putok sa pagitan ng mga pinaniniwalaang miyembro ng private army at mga unipormadong pulis na nakahimpil sa isang checkpoint sa bayan ng Pilar sa lalawigan ng Abra mahigit isang linggo na ang nakakaraan.
Kasong “Expanded Trafficking in Persons Act” ang inihain laban sa magkapatid na sina sina Pilar, Abra Vice Mayor Jaja Josefina Disono, kapatid na si Pilar Mayor Mark Somera, habang sinampahan naman ng serious disobedience to an agent or person in authority sina Robert Toreno at Emmanuel Valera na kapwa empleyado ng munisipyong pinamumunuan Somera at Disono.
Attempted murder naman ang kinakaharap na kaso ng isang Jericho Bufil na diumano’y helper na nasa payroll ng pamahalaang bayan.
Bandang alas 10:30 ng umaga ng Marso 30 nagsagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng PNP Cordillera Administrative Region sa Brgy. Poblacion, ng naturang bayan. Sinubukan umanong pahintuin ng mga unipormadong pulis ang puting Toyota Hi-Ace van bilang bahagi ng direktiba kaugnay ng nalalapit na halalan.
Subalit sa halip na huminto, pinutukan at saka pinaharurot umano ang sasakyan palayo sa checkpoint. Dito na hinabol at nakipagpalitan ng putok ang mga operatiba, na ikinasawi naman ni Sandee Boy Bermudo na isa palang security aide ng bise-alkalde.
Dumiretso ang sasakyan sa tahanan ni Disono. Narekober naman ang 9mm na baril na nakarehistro kay Disono. Lumabas sa imbestigasyon, walang exemption sa umiiral na election gun ban ang ang bise-alkalde.
Samantala, isang babala naman ang inilabas ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año laban sa mga pulitiko – “This is a warning to all political candidates, stop using armed goons, stop using intimidation and force to influence the voters. There will be no sacred cows. The PNP is committed to enforcing the law strictly for everyone. No fear and no favor.”