6 na suspek sa ‘missing sabungeros’, arestado sa Parañaque
Ni Cy Quilo

Makikita sa larawan ang panayam ng mga reporter sa hepe ng CIDG RFU4-A na si Col.Jacq Malinao sa Kampo Crame nitong Biyernes. (Photo from CIDG RFU4-A )
NATIMBOG ng miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang anim na suspek sa “missing sabungeros” sa Parañaque City ngayong araw ng Biyernes.
Sa ulat kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr. kinilala ang mga naarestong suspek na sina Julie Patidongan alias Dondon, Mark Carlo Zabala, Roberto Matillano Jr., Johnry Consolacion, Virgilio Bayog at Gleer Codilla sa isinagawang dalawang magkahiwalay na opersyon ng mga tauhan ng CIDG-Calabarzon .
Natiklo ang mga ito sa bisa ng arrest warrant sa kasong kidnapping at serious illegal detention na ibinaba ng Manila Regional Trial Court Branch 40 kaugnay sa pagdukot sa anim na “sabungeros” sa Manila Arena noong Enero 13, 2022.
Kinasuhan din ang dalawang naarestong kasabwat ng mga suspek na sina Melchor Neri at Victorino Diocoso ng obstruction of Justice.

Ayon naman kay Col. Jack Malinao, hepe ng CIDG Regional Field Unit 4A sinusubaybayan nila ang bawat galaw ng mga suspek nitong nakalipas na tatlong araw sa loob ng dalawang buwang surveillance bago isagawa ang magkahiwaly na operasyon.
Ang pagkakasakote sa anim na suspek sa pagkawala ng mga sabungero ay naganap makaraan ang 55 araw matapos italaga si Malinao bilang regional chief ng CIDG4-A.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng CIDG headquarters sa Camp Crame ang mga suspek bago ito dalhin sa Calabarzon.