NAGBABALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibleng tsunami sa ilang baybaying lugar sa bansa matapos ang lindol na may lakas na 7.5 na yumanig sa Taiwan nitong Miyerkules ng umaga.
Batay sa Tsunami Information No. 1 na inilabas ng 8:17 ng umaga, sinabi ng Phivolcs na inaasahang mataas na alon ng tsunami sa mga baybaying lugar na nakaharap sa Karagatang Pasipiko mula 8:33 ng umaga hanggang 10:33 ng umaga ng Miyerkules.
Sinabi ni Phivolcs director Teresito Bacolcol na maaaring makakaranas ng alon ng tsunami na may taas na 1 hanggang 3 metro ang mga baybaying lugar sa mga probinsya ng Batanes, Cagayan, Ilocos Norte at Isabela.
“Sa ngayon, wala pa kaming natatanggap na feedback ngunit inaasahan namin ‘yon,” sabi ni Bacolcol sa isang panayam sa radyo.
Pinayuhan ang mga mangingisda at may-ari ng bangka na kumuha ng kinakailangang pag-iingat.
Maging ang mga bangka na nasa dagat na sa panahong ito ay dapat manatili sa malalim na tubig hanggang sa magkaroon ng karagdagang babala.