ISANG makasaysayang proyekto ang sinimulan ng Department of Transportation (DOTr) katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilang lokal na pamahalaan, sa isinagawang groundbreaking ceremony para sa expansion ng Active Transport Infrastructure sa Region IV-A (CALABARZON) sa Lipa City, Batangas, kahapon , ika-11 Setyembre 2023.
Pinangunahan ni Transport Secretary Jaime Bautista ang seremonya, kung saan inilatag ang proyektong 76.70 kilometrong Class 2 at 3 na bikelanes sa piling daan sa Lipa City at Batangas City sa lalawigan ng Batangas, at sa Antipolo, Cainta, at San Mateo sa probinsya ng Rizal.
Binigyang diin ni Sec. Bautista ang malaking kontribusyon nito sa kalusugan, kalikasan at long-term benefits na matatamasa ng lahat.
“Sa kasalukuyan nagkakaroon din tayo ng konstruksyon ng mga bikelanes all over the country. Itong taon na ito magkakaroon tayo ng 400-kilometers of bikelanes.”
Ayon pa kay Sec. Bautista, tuloy-tuluy ang kanyang suporta para sa malawakang paglunsad ng naturang proyekto kaya’t sa susunod na taon ay manghihingi ang DOTr para sa karagdagang budget para dito.
Nagpaabot naman ng kanilang maigting na suporta at pasasalamat ang mga LGUs sa Batangas at Rizal. Lubos din ang suporta ng DPWH sa nasabing programa, na nakatakdang makumpleto sa unang quarter ng 2024.