WALONG indibidwal na nagpapapanggap na opisyales o konektado sa Department of Budget and Management (DBM) ang nadakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation na isinagawa sa Mandaluyong City kahapon, ika-26 ng Marso taong 2024.
Ayon sa inisyal na report na inilabas ng NBI, nabatid na noong una ay nagpakilala ang isa sa mga suspects bilang isang Undersecretary umano ng DBM sa complainant upang makakuha ng pera kapalit ng pagtulong umano nito sa pagpapalabas ng pondo para sa ilang proyekto ng gobyerno. Ayon rin sa NBI, sinabi ng parehong suspect na siya raw ang may hawak ng special projects ng DBM.
Base sa detalye ng complaint, nangako ang suspects na makaka-secure ang complainant, na isang project contractor, ng P1.3 billion worth of projects sa gobyerno sakaling sila ay magkasundo sa gagawing deal. Ang proyektong ito raw ay para sa pagpapatayo ng isang dam na popondohan umano ng DBM. Nagbigay rin umano ng kasiguraduhan ang suspects na ang proyekto ay mai-aaward sa complainant, ngunit bago ito, kinakailangan umano munang magbigay ang complainant ng pera o “grease money” para sa “Blue Print” ng proyekto, o upang insiyal na maiproseso ang mga dokumento para mai-award ang proyekto sa complainant.
Mabuti na lamang at ang contractor ay nagsagawa ng inisyal na beripikasyon sa DBM kung saan napag-alaman nito na walang opisyal ang ahensya sa ganoong pangalan, at wala rin umano ang proyektong binabanggit ng suspects sa records ng ahensya.
Dahil dito, agad na nakipagtulungan ang DBM sa NBI upang magsagawa sa isang entrapment operation, kung saan agad na nadakip ang mga suspects sa isang restaurant sa Mandaluyong City, matapos nitong tanggapin ang marked money na nagkakahalaga ng P500,000.00 mula sa NBI.
“Mariin po nating kinokondena ang ganitong klaseng gawain. May proseso po tayong sinusunod na naaayon sa mga umiiral na batas,” ayon kay DBM Sec. Mina F. Pangandaman.
“We hope that with this successful entrapment, we are able to send a strong statement to the public that the DBM will never tolerate fraudulent activities like this. Seryoso po ang DBM sa paglaban sa katiwalian gaya po ng ganitong mga gawain. Kaya naman po hinihikayat ko po ang taumbayan na agad magsumbong at i-report kung may mga mae-encounter sila na ganitong mga indibidwal,” dagdag pa ni Sec. Mina.
Ayon sa latest report ng NBI, nagpahayag ang dalawa sa mga suspects ng kanilang kagustuhang maging witness laban sa iba pang suspects.