
Camp Vicente Lim– SINIBAK na sa pwesto ang hepe ng pulisya at walong kanyang mga tauhan kaugnay sa naganap na ‘shootout’ sa isang drug suspek sa boundary ng Tiaong, Quezon at San Juan, Batangas noong Mayo 28.
Pansamantalang nasa Provincial Personnel Holding Center ang hepe ng San Juan police Lt. Col. Jesus Lintag at walong iba pang pulis .
Pinalitan naman ni Lt. Col. Rommel Sobrido si Lintag na siyang itinalaga bilang bagong hepe ng San Juan.
Ipinag-utos na rin ni Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, regional director ng Calabarzon, ang pagbuo ng isang special team na magsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung nilabag ang mga pulis na standard operating procedure at kung mayroong mga iregularidad habang ginaganap ang kanilang tungkulin.
Matatandaang si Bryan Laresma na mas kilala bilang Balot, ay napatay sa isang umano’y shootout sa anti- drug operation sa Barangay Lipahan.
Narekober ang dalawang sachet na shabu, isang caliber .38 revolver at mga bala .
Humiling ang mga kamag-anak ni Laresma ng tulong mula sa National Bureau of Investigation para sa bagong autopsy sa suspek.
Nagmungkahi rin sila sa Commission on Human Rights at House of Representatives na magsagawa ng mga parallel na imbestigasyon kaugnay sa pangyayari.
Matatandaan sa panayam ng mga mamamahayag sa kapatid nito, si Laresma ay papasakay na sana sa kanyang motorsiklo nang pagbabarilin ng mga operartiba ng pulisya.
Samantala , sinabi ni Lintag na lehitimo ang operasyon , sila at ang kanyang mga tauhan ay bukas sa anumang isasagawang imbestigasyon.