ANG agrikultura ang isa sa mga yaman ng ating bansa. Ito ay nagsisilbing pundasyon at tungtungan ng pag- angat ng ating ekonomiya.
Kung titignan natin ang relasyon ng kabundukan na pinamumugaran ng mga NPA at ng agrikultura, makikita natin ang kahalagahan ng lupa at likas na yaman.
Ngunit itong biyaya ng lupa ay hindi nararapat na maging kasangkapan sa pakikipagbakbakan kundi may mas makabuluhan itong papel sa pagkakaroon natin ng magandang kinabukasan.
Ito ang tinutumbok ng programa ng Department of Agriculture na ‘From Arms to Farms’ na layong mabigyan ng pagkakataon ang mga dating miyembro ng NPA na magkaroon ng magandang buhay gamit ang biyaya ng agrikultura.
Sa mekanismong ito ng pamahalaan, ang pagnanais nating mga Pilipino na magkaroon ng kapayapaan sa ating mga komunidad ang magsisilbing pataba sa lupa.
Isa rin itong panawagan na itanim natin ang nararapat para sa ating bayan. Tabasin sana natin yung mga elemento na hindi naman nagdadala ng kapayapaan at kaunlaran sa ating bayan.
Gaya ng mga ideolohiya at gawain na mga CPP-NPA-NDF na kumikilos para gamitin ang iba’t ibang isyu na mayroon tayo sa ating lipunan.
Pinapalabas pa ng mga rebeldeng grupo na walang ginagawa ang pamahalaan para matugunan ang mga isyu ng mga magsasaka na patuloy umano sa pagkalubog sa kahirapan.
Isinisigaw pa ng mga ito na ipinaglalaban nila ang karapatan ng mga magsasaka. Sa paanong paraan? Sa paraan ng walang saysay na madugong pakikibaka? Sa pamamagitan ng armas? Hindi ito ang dapat nating itanim. Hindi ito ang kultura at sistema na dapat natin diligan at alagaan.
Marahil maraming sistema sa ating pamahalaan ang kailangan maisaayos at sa aspetong ito, tayong lahat ay may responsibilidad. Huwag natin hayaan na alisan tayo ng karapatan ng mga rebeldeng grupo na ito na magamit ang biyaya at ganda ng agrikultura.
Mayroon tayong mga maaring maging katuwang na mekanismo ng pamahalaan para tayo ay lubos na magabayan at matulungan sa aspeto ng agrikultura.
Hindi natin aanihin ang kaunlaran kung patuloy ang ating paninindigan sa armadong pakikibaka. Sa gitna ng mga panlilinlang mga NPA, piliin natin itanim sa ating mga sarili ang kahalagahan ng pagkakaisa.
‘Wag natin hayaan na ang anihin natin ay walang saysay na patayan at pakikibaka. Dahil ang nararapat sa atin, isang pag-ani at pagpitas sa kapayapaan at kaunlaran.