PINAKUKUMPISKA ni Senador Win Gatchalian sa Bureau of Immigration ang alien certificate of registration card (ACR-I) na inisyu sa lahat ng dayuhang konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na sangkot sa mga krimen.
Aniya, “Dapat kumpiskahin ang mga pisikal na cards dahil sa ating bansa, malaking bagay ito. Sa sandaling magpakita ka ng card, mayroong agarang pagpapalagay ng pagiging lehitimo. At dahil mga kriminal ang sangkot dito, kabilang ang mga sindikato ng human trafficking, nakakabahala na mayroon silang mga ID. Kaya mas mabuting kumpiskahin na ang mga ID na ito para hindi na nila uli magamit,” ani Gatchalian.
Dahil hindi interconnected ang mga ahensya ng gobyerno, walang paraan para suriin ng iba pang mga ahensya ang bisa ng impormasyon. Ang kawalan ng connectivity na ito ay nagbibigay-daan para maisip ng ibang tao na ang mga may hawak ng government-issued IDs ay ligal sa bansa dahil sa impormasyong tinukoy sa mga ID na iyon, paliwanag ni Gatchalian sa isang pagdinig na isinagawa ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa hindi awtorisadong paglaganap at paggamit ng mga dokumento ng gobyerno ng mga dayuhan.
Ayon kay Gatchalian, nire-recycle lang ng mga manggagawa ng POGO, partikular na ang mga sangkot sa iligal na aktibidad, ang paggamit ng mga naturang ACR upang bigyang-katwiran ang kanilang patuloy na pananatili sa bansa at maituring silang ligal.
Binanggit niya ang kaso ng mga ACR na narekober sa isang police raid na isinagawa noong Oktubre ng nakaraang taon sa Smart Web Technology, isang POGO establishment sa Pasay City. Napansin ng senador na ang mga rehistradong employer sa ACR ay ang Brickhartz Technology Inc., isang POGO service provider na sangkot sa kasong kidnapping at human trafficking; at SA Rivendell Global Support, Inc., isa pang POGO-accredited service provider na sinalakay ng pulisya noong Agosto 2023 dahil sa pagkakasangkot nito sa mga iligal na aktibidad.
“Nakakabahala dahil ito ay nagpapahiwatig na ang mga ID na inisyu ng gobyerno ay nire-recycle lang upang gumawa ng mga iligal na aktibidad,” sabi ni Gatchalian.
“Paano nangyari ito? Pagkatapos ng raid, dapat binawi na ang mga ID upang matiyak na hindi magagamit ng mga dayuhang kriminal ang mga ID bilang isang uri ng pagkakakilanlan upang gawing lehitimo ang kanilang pananatili sa bansa kung saan patuloy silang nagsasagawa ng mga iligal na aktibidad. Ang mga ID na ito ay kinabibilangan lamang ng ilang mga indibidwal na ni-raid noong panahong iyon, ngunit hindi natin alam kung ilan pa sa kanila ang nagdadala ng mga ID na ito, gumagala sa buong bansa, at ipinapakita ang mga ito bilang mga valid ID,” diin niya.
Mahigpit na nagsusulong si Gatchalian, ang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, ng pagpapatalsik sa mga POGO sa bansa lalo na’t lumalabas na mas malaki ang gastos ng gobyerno sa patuloy nilang pananatili sa bansa kaysa sa anumang benepisyong pang-ekonomiya na nakukuha mula sa industriya.