KAILANGANG tiyakin ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng ibang ahensya ang mabilis na pagproseso ng benepisyo ng mga miyembro ng armadong grupo na nagbalik-loob sa pamahalaan, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Miyerkules.
Sa pagdinig ng 2024 budget ng DILG, ipinunto ni Padilla na marami nang nakumbinsi ang pamahalaan na magbalik-loob – kasama na ang myembro ng Abu Sayyaf – at ang mga ito ay nakatulong na sa gobyerno.
“Kasi matagal na sila, ang tagal na nito nag-surrender. Napasa-pasa na galing AFP tapos DILG. Napakahalagang harapin ito at alam kong hinaharap ninyo… Sabi nga nila, to win battles, we have to win hearts and minds. Kung sa labanan lang mahirap patunayan yan, ang kailangan makuha natin puso at kaisipan ng mga rebelde at siyempre po bilang kayo po ang nasa DILG napakahalaga po na mabigyan nyo ng pansin ang mga returnees na ito,” aniya.
“Marami tayong napa-surrender. Itong huli, noong nakaraang taon, tinanong natin ang AFP patungkol sa napa-surrender nating mga ASG. Ngayon tinuro nila na nandoon na raw sa DILG,” dagdag niya.
Ayon sa DILG, may provincial team ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) na tumitingin sa pagka-bona fide ng rebels, bago bigyan ang mga surenderee ng financial assistance.
Iginiit ni DILG Sec. Benhur Abalos na tatrabahuhin nila ito. “I assure you we will work on this,” aniya.
Samantala, pinaalala ni Padilla sa Philippine National Police ang kahalagahan ng paging sensitibo sa mga Muslim.
Kanyang kinwestyon ang pagtalaga ng isang non-Muslim, si P/Col. Ronald Tagao, bilang OIC ng Salaam Police. Aniya, mas naaangkop na Muslim ang mamumuno sa Salaam Police. Ayon kay Abalos, temporary ang pagtalaga kay Tagao dahil wala pang kwalipikado sa pwesto sa ngayon.
Nangako si Abalos na pupulungin niya ang National Police Commission na gawing temporary na pinuno ang imam sa PNP Chaplain Service na para tiyakin na masunod ang diwa ng Salaam Police.
Pinaalala rin ni Padilla sa PNP na maging sensitibo sa mga tribong Muslim, kasama ang pagtiyak na tama ang pagtalaga ng tao sa mga lugar ng mga tribo tulad ng Maranaw at Tausug.
Aniya, hindi na dapat maulit ang insidente kung saang pumasok sa mosque ang pulis na hindi pa tinanggal ang sapatos.
“Parang respeto lang. Ang point nila may court order at kailangan gibain. Nandoon na tayo. Pero nandoon dapat ang respeto. Simbahan pa rin yan. Yan lang naman po. Maging sensitive lang tayo,” aniya.