KINONDENA ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Lunes si Australian Sen. Janet Rice dahil sa pambabastos nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang address sa Australian Parliament noong nakaraang linggo.
Ihinain ni Padilla ang Senate Resolution 944 kung saan nanawagan siya sa Department of Foreign Affairs na ideklara si Rice na persona non grata dahil sa kanyang “unparliamentary behavior.”
“Resolved by the Senate, as it is hereby resolved, to condemn Australian Sen. Janet Rice and to urge the Department of Foreign Affairs to declare her as persona non grata for her unparliamentary behavior during President Ferdinand Romualdez Marcos Jr.’s address before the Australian Parliament in Canberra,” aniya.
Ani Padilla, nangyari ang insidente noong Pebrero 29, kung saan si Rice ay nagkaroon ng “unparliamentary behavior by expressing her dissent through an act of protest during the proceedings.”
Dahil sa ginawa niya, pinaalis si Rice sa Chamber “for disorderly behaviour,” dagdag ni Padilla.
Sa kanyang resolusyon, ipinunto ni Padilla na ngayong taon ang ika-78 anibersaryo ng diplomatic ties ng Pilipinas at Australia, at ang pagbisita ni Pangulong Marcos – sa imbitasyon ni Governor General David Hurley – ay may layuning palakasin ang pagkaibigan ng dalawang bansa.