Pormal nang inumpisahan ang pagbabakuna para sa mga kabataan edad lima hanggang labing isang taong gulang kasama ang kanilang mga magulang na ginanap sa Vaccination site sa Evacuation Center, Los Baños, Laguna sa Araw ng mga Puso, February 14, 2022.
Target na mabakunahan para sa unang araw ay nasa 300 na mga kabataan at ang mga ito ay dumaan sa masusing proseso at screening. Ayon kay Dr. Alvin Isidoro, Los Baños Municipal Health Officer, mahalaga aniya ang pagpapabakuna sa mga bata dahil mas higit na ligtas ang mga ito kapag sila ay nabakunahan na nang sa ganun ay maprotektahan ang mga ito na magkaroon ng sakit na COVID19.
Dagdag pa ni Isidoro na magpapatuloy ang nasabing pagbabakuna sa mga bata hangga’t may supply na bakuna para na rin sa kahandaan sa pagbubukas ng face to face classes at malayang makibahagi ang mga ito sa anumang regular na aktibidad o gawain.
Tuloy-tuloy pa rin aniya ang pagbibigay bakuna para sa mga matatanda at mga bata mangyari lamang na magparehistro muna via online bago pumunta sa vaccination site at dalhin ang mga importanteng dokumento katulad ng birth certificate ng mga bata at ID ng magulang upang mapabilis ang proseso sa pagbabakuna.
Samantala, nasa 270 kabataan ang mga nabigyan ng first dose para sa bakunang pfizer na hindi naman umabot sa kanilang target sa nasabing araw marahil ay may mga nagdadalawang isip pa na mga magulang para pabakunahan ang kanilang mga anak. Ngunit naniniwala si Dr. Isidoro na sa mga susunod na mga araw ay dadagsain ang kanilang vaccination site para sa mga magpapabakuna na mga bata kasama ang kanilang mga magulang.
Paalala lang ng Los Baños Municipal Health Officer sa lahat na mga nabakunahan na at hindi pa, na panatilihing sundin ang health protocols gaya ng mask, iwas, hugas, airflow para sa malusog at ligtas na pamumuhay.