Nagbabala ang BAN Toxics sa publiko sa pagbili ng mga pambatang school bag matapos itong magpositibo sa lead batay sa isinagawang test buy operation noong Mayo 22 hanggang 29 sa tatlong lungsod sa Metro Manila: Manila, Pasay, at Quezon City.
Gamit ang SCIAPS X-200 HH XRF Analyzer, ang mga pambatang bag, na nagkakahalaga mula 100 PHP hanggang 180 PHP, ay nakitaang may antas ng lead na abot hanggang 500 parts per million (ppm). Mahigpit na ipinagbabawal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Department Administrative Order 2013-24 o Chemical Control Order for Lead and Lead Compounds ang paggamit ng lead sa paggawa ng school supplies.
Ayon sa Environmental Protection Agency (EPA), ang mga bata ay nasa panganib na malantad sa lead. Ang pagkakalantad sa lead ay mapanganib sa mga bata dahil ang kanilang katawan ay nag-aabsorb ng mas higit na kemikal kaysa sa mga matatanda. Ang nervous system ng mga bata ay mas sensitibo sa mga nakakapinsalang epekto ng lead. Kahit na sa mababang lebel, ang lead sa dugo ng mga bata ay maaaring magresulta sa problema sa pag-uugali, pagbaba ng IQ, hyperactivity, pagbagal ng paglaki, mga problema sa pandinig, at anemia.
“Tinatawagan namin ang atensyon ng regulatory agencies, Food and Drug Administration at Department of Environment and Natural Resources, na magsagawa ng enforcement action sa patuloy na pagbebenta sa merkado ng mga kiddie school bag na may nakakalason na lead,” sabi ni Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics.
Ang Hunyo ay idineklara na “Philippine Environment Month” sa bisa ng Presidential Proclamation No. 237. Ang pagdiriwang ng World Environment Day sa bansa ay hindi lamang isang tanda ng suporta ng Pilipinas sa layunin ng pagpapahusay ng ekolohiya ng mundo, kundi isang pagkilala rin sa pangangailangan na pagtanim ng kamalayan at pagmamalasakit sa kapaligiran sa iba’t ibang sektor ng lipunang Pilipino.
“Tinatawagan din namin ang atensyon ng Department of Education na simulan ang mga programang pangkalikasan na magpapataas sa kamalayan ng mga mag-aaral, magulang, at guro sa pamamagitan ng Toxics-Free Schools Program upang maprotektahan ang ating mga tahanan at paaralan mula sa mga masamang dulot ng mga nakalalasong kemikal at basura.” Dagdag ng BAN Toxics.
Ang BAN Toxics ay isang non-government environmental organization na nagsusulong ng Toxics-Free Schools Program (TFSP). Ito ay isang sistematikong programa na magpapataas sa kamalayan ng mga mag-aaral, magulang, at guro ukol sa mga usaping kemikal at basura sa paaralan at tahanan, at makabuo ng isang ligtas na kapaligiran para sa lahat.