MARARAMDAMAN na ng mga motorista ang barrierless expressway at interoperability ng mga RFID sa NLEX at SLEX ngayong Nobyembre , ito ang inanunsiyo ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo nitong Huwebes bilang solusyon sa matinding trapiko na naransan nitong nakaraang Semana Santa sa mga naturang lansangan.
Bilang resulta sa pakikipagpulong ni Tulfo, ng ACT-CIS partylist, sa mga opisyal ng SLEX at NLEX maging sa Toll Regulatory Board (TRB), matapos siyang atasan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na makipagpulong sa mga opisyal para pag-usapan ang solusyon sa problema sa trapiko sa mga naturang lansangan.
Matatandaan na inatasan ni Speaker Romualdez si Tulfo na makipagpulong sa mga opisyal matapos itong makatanggap ng mga reklamo dahil sa mga hindi binabasang RFID (radio frequency identification) sa mga toll gates na siyang naging pangunahing sanhi ng trapiko partikular sa NLEX nitong Semana Santa.
Ayon kay Tulfo, kasabay ng paghingi ng paumanhin ng NLEX sa mga naabalang pasahero, inuulat nila kay Speaker Romualdez na hindi sila tumitigil sa pagawa ng solusyon ukol sa problema.
Ayon kay Dating DPWH Sec. at ngayon ay Metro Pacific Tollways Pres. Rogelio Singson, simula ngayong Nobyembre ay mararamdaman na ng mga motorista ang barrierless entry dahil aalisin na nila ang mga toll gate sa kanilang mga entry point at mas maayos at mabilis na RFID system ang kanilang ipapalit. Sa susunod na taon naman ay mga exit point naman ang kanilang gagawing barrierless.
Gagawin na rin ang interoperability ng mga RFID o ibig sabihin ay isa na lamang RFID ang gagamitin sa lahat ng expressway sa Pilipinas, kabilang ang SLEX, NLEX, Skyway, CALAX, TPLEX at iba pang expressway.
Yan din ang ipinangako ng pamunuan ng SLEX dahil patuloy umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa TRB at NLEX para patuloy na mapaunlad ang sistema ng trapiko sa mga expressway lalo na tuwing may mahabang holiday sa bansa.
Kabilang naman sa long-term solution ang pagdagdag ng mga kalsada sa mga expressway kabilang ang mga elevated expressway para naman matugunan ang patuloy na pagdami ng volume ng mga sasakyan sa bansa.
Bukod kay Singson, kasama niyang dumalo sa pamunuan ng NLEX sina Luigi Bautista, NLEX Corp Pres. And Gen. Manager; Francis Dagohoy, Government Relations Manager, NLEX; West Dionisio, VP for operations, NLEX; at Glenn Campos, VP for Technology, NLEX Corp.
Dumalo naman sa panig ng SLEX sina Rafael Yabut, Pres. And CEO ng Skyway; Atty. Melissa Encanto-Tagarda, head, corporater affairs office ng San Miguel Holdings Corp.; at Nelly Argota, Operations head SMC tollway.
Dumalo rin sila TRB Executive Director Atty. Alvin Carullo at Joz Carlos Ordillano, TRB Division head.