
BUKAS na sa publiko ang Phase 2 o ang extension ng Passenger Terminal Building ng Batangas Port para sa mga pasaherong magtutungo sa pantalan ngayong holiday season.
Mula sa 3,500 na seating capacity ng Phase 1 ng nasabing PTB, nasa 8,000 na pasahero na ang kayang ma-accommodate sa nasabing extension ng pantalan.
Umabot sa dalawampu’t dalawang libo (22,000) na ang bilang ng mga pasahero sa Batangas port kahapon ng tanghali, ika-23 ng Disyembre taong 2023.
Alinsunod sa inilabas na memorandum ni PPA General Manager Jay Santiago para sa Oplan Byaheng Ayos: Pasko 2023, naglagay na rin ng dagdag na sampung tent at upuan ang Port Management Office (PMO) ng Batangas.
Nag-deploy din ang nasabing PMO ng dagdag na personnel para tumulong sa pag-assist sa mga pasaherong nasa pantalan upang maging alerto at nakaantabay ang mga Port Police at K-9 units sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard.
Paalala ng PPA na maagang magpunta sa pantalan, tatlo hanggang limang oras bago ang nakatakdang byahe at direktang makipag-ugnayan sa mga shipping lines bago pumunta sa pantalan upang maiwasan ang anumang aberya.