TALIWAS sa unang pahayag ng Philippine National Police (PNP), mistulang nangangapa pa rin ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa serye ng mga pagdukot sa hanay ng mga sabungero mula nitong huling bahagi ng nakaraang taon.
Pag-amin ni CIDG director Major General Albert Ferro, apat katao pa ang nadagdag sa talaan ng mga nawawalang sabungero.
Mula sa 25 missing persons, umakyat na sa 29 ang kabuuang bilang ng mga dinukot na sabungerong pinaniniwalaang sangkot sa game-fixing ng nauusong e-sabong.
Sa datos ng PNP, karamihan sa mga biktima ay nakabase sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) region at Metro Manila. Gayunpaman, tiniyak ng opisyal na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng CIDG. Katunayan aniya, isa sa mga pinakatutukan nilang anggulo ay ang pagkakasangkot ng mga biktima sa dayaan sa ruweda. Ang modus – maglarga ng mga tyopeng panabong, sabay buhos ng pusta sa kabila.
Bukod sa CCTV footages na hawak na ng CIDG, higit aniya nilang kailangan ang mga testimonya ng mga buhay na saksing titindig sa hukuman sa sandaling maihain ang asunto. Halos dalawang linggo na ang nakakaraan, sinabi ng isang PNP official mula sa lalawigan ng Bulacan na mayroon nang hawak na person of interest ang kapulisan, bagay na hindi na binanggit ni Ferro.
Maliban sa pag-amin ni Ferro na nakausap na nila maging ang sikat na e-sabong promoter na si Atong Ang, wala ng iba pang detalyeng ibinahagi sa media. Samantala, isang impormante ang nagsabing higit pa sa 29 ang umano’y dinukot ng sindikato.
Sa isang panayam sa telepono, hayagang sinabi ng impormante na 34 katao ang kabuuang bilang ng mga dinukot ng sindikato – bukod pa sa apat na tinutukoy ng CIDG na nadagdag sa talaan ng mga kumpirmadong dinukot ng sindikato.
Sa kabuuan aniya, 38 katao dinukot ng mga hindi pa nakikilalang salarin – 10 katao ang dinukot sa magkahiwalay na insidente sa Laguna, anim sa Maynila, walo sa Rizal at 10 indibidwal mula sa Bulacan at ang apat pang tinukoy ng CIDG. Kamakailan lamang, hayagang sinabi ni Colonel Wendell Arinas na tumatayong hepe ng Calumpit (Bulacan) police station, mayroon na silang natukoy na “person of interest” na posible aniyang makapagbigay ng linaw at impormasyon kaugnay ng pagkawala ng 10 katao ilang oras matapos dumalo sa palarong e-sabong sa nasabing sa karatig lalawigan ng Batangas nito lamang nakaraang buwan.
Petsang Enero 6 nang idulog sa Bulacan PNP ng mga kaanak ang pagkawala nina Kagawad Edgar Malaca ng Barangay San Jose, Alexander Quijano at Atong Sacdalan mula sa bayan ng Hagonoy, matapos umanong magpaalam na dadalo sa e-sabong event sa Lipa City. Kwento pa ng opisyal, lumalabas na sakay ng isang inarkilang van ang mga biktimang tumungo sa bayan ng Cavinti para bumili ng mga panabong na manok bago tumuloy sa Batangas.
Bukod kina Malaca, Quijano at Sacdalan, hindi na rin nagawang umuwi ng magkapatid na sina Nomer at Jeffrey Depano, kapwa residente rin ng Hagonoy, pagkagaling sa Lipa.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, isinakay umano sa isa pang van sina Nomer at Jeffrey.
Bagama’t natuntong abandonado ang van sa kahabaan ng MacArthur Highway, nananatiling misteryo pa rin kung patay o buhay pa ang magkapatid.
Natagpuan din sa abandonadong sasakyan ang ilang pirasong damit at pantalon na ayon sa mga kaanak ay ang mismong suot ng mga nawawalang indibidwal. Ayon pa sa kapatid ng isa sa mga biktima, natitiyak nilang galing na sila sa Lipa batay sa narekober na ticket sa pantalon ni Malaca.