
INAKUSAHAN ng extortion ng isang grupo ng mga drayber at operator ng bus ang Land Transportation Office (LTO) chief ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Isinumite ng grupo ang reklamo sa Office of the President laban kay LTO-Calabarzon director Cupido Gerry Asuncion noong Marso 7.
Sa reklamong ipinadala kay Pangulong Marcos, sinabi ng mga drayber at operator na nagbibigay ng serbisyo sa mga ruta sa Cavite kabilang ang Naic-PITX, Tagaytay-PITX, Indang-PITX, Alfonso-PITX at Mendez-PITX, na si Asuncion ay humingi ng P50,000 mula sa bawat operator ng bus na nais makipag-usap sa kanya.
Inakusahan din ng mga nagreklamo si Asuncion na humihingi ng buwanang bayad na P25,000 kapalit ng hindi pag-aresto ng kanilang mga bus ng mga LTO traffic enforcers.
Ang reklamo ay nilagdaan nina Federico Callejas ng Celyrosa Transport, Henry Cayao ng Lorna Express, Francis Caballero ng Floralde Liner, at Teddy Lising, chairman ng Cavite-Batangas Transport Service Cooperative.
Kung saan ay inakusahan ng mga nagreklamo ang mga LTO enforcer na nagmamanipula ng mga paglabag laban sa kanilang mga bus kung tumanggi silang sumunod sa mga hinihingi ni Asuncion.
Sa reklamo, ipinaabot ng grupo ang mga hirap na dinaranas ng mga operator at drayber ng bus dahil sa alegasyon ng extortion activities ni Asuncion.
Nananawagan ang mga nagreklamo kay Pangulong Marcos na agad na aksyunan ang isyu.