Tutuldukan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang ano mang anyo ng child labor, ito ang pahayag ni Mayor Joy Belmonte. Ang pahayag ay binitiwan ni Belmonte sa harap ng mga kabataan, magulang, guro at iba pang stakeholder sa ginanap na ika apat na State of the City’s Children Report, kahapon, ika 27 ng Nobyembre, sa Quezon Memorial Circle bilang bahagi ng selebrasyon ng National Children’s Month.
Ayon pa kay Belmonte, ang mga bata ay dapat na nag-aaral at naglalaro at hindi dapat na pasanin ang reponsibilidad ng pagtatatabaho o paghahanap-buhay lalo pa kung lubhang delikado ang mga ito.
At bilang bahagi ng ng pagsisiskap ng lokal na pamahalaan na wakasan ang child labor sa lungsod, itinatag nitong nakaraang Setyembre ang inter-agency Task Force for Special Protection of Street Children and Child Laborers o mas kilala sa tawag na Task Force Sampaguita sa bisa ng Executive Order No. 42 series of 2022.
Layunin ng Task Force Sampaguita na pagsama-samahin at palakasin pa ang mga pagsisikap upang wakasan ang lahat ng anyo ng child labor sa Lungsod.
“Ang Task Force Sampaguita, kung saan ako mismo ang Chairperson, ang bumubuo ng komprehensibong plano, hindi lamang para masagip ang mga biktima, gaya ng mga batang sampaguita vendors, na madalas nating makita sa mga peligrosong lugar, kundi tutukan din ang mga sanhi ng mga ganitong kondisyon, sa pamamagitan ng pagsusuri sa sitwasyon ng kanilang mga pamilya,”, sabi pa ni Belmonte.
Mula sa pagkakatatag ng TF Sampaguita ay mayroong 685 na indbidwal, kasama na ang 296 na mga batang manggagawa ang narescue ng grupo.
Ang TF Smpaguita rin ang naatasang magsagawa ng profiling upang malaman ang kalagayan ng child labor sa lungsod. Batay sa resulta ng profiling, nadiskubre na mayroong 5,449 na lalaki at 4,773 na babaeng child worker sa syudad.
Nagbigay na rin ng tulong pinansyal ang QC LGU, pati na rin educational assistance sa mga pamilya ng mga batang manggagawa. Dagdag pa riyan ang puhunan upang makapagsimula sila ng mallit na hanap-buhay upang makatulong sa kanilang kabuhayan.
Iniulat din ni Belmonte ang nagawa na ng kanyang administrasyon kaugnay sa iba’t-ibang isyung may kinalaman sa mga kabataan gaya ng mental health, teenage pregnancy, mga out of school youth, kakulangan ng class rooms at iba pa.