OPISYAL nang inihayag ng Commission on Human Rights (CHR) ang kanilang pagtutol sa decriminalization ng abortion isang araw matapos batikusin ni Senator Alan Peter Cayetano ang komisyon dahil sa hindi malinaw na pahayag nito sa isyu.
“CHR considers paramount the right to life. The Commission similarly adheres to the 1987 Philippine Constitution specifically, to equally protect the life of the mother and the life of the unborn from conception, and is therefore, against abortion, save for extreme circumstances,” saad ng komisyon sa ipinadalang sulat kay Senate President Juan Miguel Zubiri noong Miyerkules, November 15, 2023.
Naantala ang diskusyon sa inihain na budget ng CHR para sa 2024 noong Martes matapos magpahayag ng pagkadismaya si Cayetano sa naunang pahayag ni CHR Executive Director Atty. Jacqueline Ann de Guia na sumusuporta sa decriminalization ng abortion sa bansa.
Binigyang-diin ng independent senator na malinaw na ipinahayag ng 1987 Philippine Constitution na ang estado ay may tungkuling protektahan ang buhay ng ina at ng hindi pa isinilang na anak. Sa madaling salita, hindi dapat maglabas ng pahayag ang CHR na salungat dito.
“Our constitution is quite unique kasi sinabi na ‘life starts at conception’… Meaning [to say], the executive director of a very sensitive commission is giving her own opinion which is contrary to the Philippine Constitution. How come there is no outrage from the commission that there is such a statement?,” sabi ni Cayetano.
Binigyan niya ng pagkakataon ang CHR na linawin ang kanilang posisyon sa isyu sa Senado, ngunit ang komisyon ay hindi nakapagbigay ng malinaw na pahayag.
“‘Pag dine-criminalize mo, [para mong sinabi na] pwede na ‘yun. How can you protect the unborn if you’re not going to put any penalty to people who abort the fetus or baby? Jaywalking nga lang mayroon tayong penalty, eh,” dagdag niya.
Sa pagsang-ayon sa opinyon ng independent senator nina Senate President Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva, at Senator Jinggoy Estrada, na budget sponsor ng CHR sa Senado, naantala ang deliberasyon sa budget ng CHR hanggang maglabas ito ng opisyal na pahayag ukol sa abortion na akma sa Saligang Batas.
Sa sulat ng CHR kay Zubiri na naglalaman ng kanilang pagsalungat sa abortion, tatalakayin nang muli ng upper chamber ang 2024 budget ng komisyon sa Lunes.