HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang gobyerno na bumuo ng isang komprehensibong contingency plan upang matiyak ang sapat na suplay ng bigas at kontrahin ang pagtaas ng presyo nito.
Ginawa ni Gatchalian ang panawagan sa nagdaang Senate briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ukol sa 2024 national budget.
“Dapat tingnan nang maigi ng gobyerno ang sitwasyon dahil hindi lang ito makakaapekto sa inflation kundi pati sa pagkain ng ating mga kababayan,” sabi ni Gatchalian.
Binanggit ng senador ang kamakailang anunsyo ng India na pinapahinto na muna ang pag-export nila ng bigas, na maaaring lalong makaapekto sa suplay ng bigas sa Pilipinas. Binigyang-diin ni Gatchalian na kailangan ng gobyerno na bumuo ng isang contingency plan upang mapigil ang potensyal na paghigpit sa suplay pati na rin ang pagtaas ng presyo, na maaaring magpataas pa lalo ng inflation.
“Pakisumite sa amin ang isang contingency plan ng gobyerno dahil talagang nag-aalala ako na ang export ban na ito mula sa ibang mga bansa ay makakaapekto sa atin hindi lamang sa suplay ng bigas kundi pati na rin sa presyuhan sa merkado,” sabi ni Gatchalian sa mga miyembro ng economic team sa nagdaang pagdinig ng Senado. Nais ding malaman ni Gatchalian kung nakakuha na ang gobyerno ng sapat na suplay ng bigas para sa short and medium term kasunod ng pagkagambala ng suplay sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Gatchalian, dapat ding isama sa contingency plan ng gobyerno ang mga programa para sugpuin ang epekto ng mga bagyo at ng El Nino phenomenon. Tinatayang may 20 bagyo ang tumatama sa bansa kada taon. Inaasahan ding pinakamatindi ang epekto ng El Nino sa bansa sa unang tatlong buwan ng susunod na taon.
Ang pagtaas ng presyo ng bigas sa lokal na pamilihan ay nag-udyok kay Pangulong Marcos na maglabas ng babala na hahabulin ng gobyerno ang mga hoarder at price manipulators. Umaabot na sa P45-50 kada kilo ang presyo ng bigas ngayon sa merkado.