AABOT sa 31 ektaryang sakahan ang nakatakdang pagtaniman ng iba’t ibang hybrid na barayti ng palay sa isasagawang Hybrid Rice Derby ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program sa Sariaya, Quezon.
Ang Hybrid Rice Derby ay isa sa mga proyekto ng Kagawaran na naglalayong maipakita ang potensyal sa produksyon ng mga hybrid na barayti ng palay at mahikayat ang mga magsasaka na tangkilikin ito. Dito ay tutukuyin din ang mga barayti na mapapatunayang mabisa at angkop sa lugar na siyang irerekomenda sa mga magsasaka.
Anim na Seed Company ang kalahok sa aktibidad na silang pagmumulan ng 15 hybrid na barayti ng palay. Ito ay ang Long Ping, Leads, SL Agritech, Syngenta, Seedworks, Ramgo, at Allied. Katuwang din dito ang limang Fertilizer Company na Bioprime, Gemini, Amo, Enviro, at Plant Catalysts.
Kaugnay nito, noong ika-3 hanggang ika-5 ng Oktubre ay sinimulan na ng DA-4A Rice Program ang balidasyon at georeferencing ng lupang pagtataniman na pagmamay-ari ng Tumbaga 1 Bucal Irrigators Association, Inc. Inaasahan na sa mga susunod na linggo ay sisimulan na ang pagtatanim. Nagpapasalamat naman si G. Edwin Balalad, magpapalay sa Tumbaga, sa oportunidad na ibinigay sa kanila ng Kagawaran na masaksihan ang paglago ng mga barayti na makatutulong upang mapataas pa ang kanilang produksyon ng dekalidad na palay.