Aabot sa Php 8,998,000.00halaga ng interbensyon at pagsasanay ang ipapamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa mga magniniyog sa lalawigan ng Quezon sa unang taon ng pagpapatupad ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Ang CFIDP ay alinsunod sa Republic Act 11524 o mas kilala sa tawag na Coconut Farmers and Industry Fund Act. Parte nito ang Community-based Farm Enterprise Development: Farm Rehabilitation and Improvementna nakaatas sa High Value Crops Development Program (HVCDP) ng DA-4A.
Sa pamamagitan nito ay hinihikayat ang mga magniniyog na mag-intercrop ng kape o cacao sa kanilang niyugan. Ang intercropping ay isang paraan o teknik kung saan nagtatanim ng isa o higit pang uri ng pananim upang makapag-impok ng mas maraming ani at mapalaki ang kita sa isang kapirasong lupain.
Kaugnay nito, namahagi ng interbensyon ang DA-4A sa pakikipagtulungan sa Philippine Coconut Authority Region IV-A (PCA-4A) sa dalawang samahan ng mga magsasaka sa bayan ng Gumaca, Quezon noong Abril 25, 2023. Sila ay ang Kakao Integrated Development Livelihood and Transformation (KIDLAT) at ang Samahan sa Industriya ng Pangkabuhayan (SICAP).
Nakatanggap ang naturang mga samahan ng mga pruning shears, pruning saw, mga controlled fertilizer, at mga polyetos ukol sa pag-aalaga at pagtatanim ng kape at cacao. Ayon kay G. Christopher Canela, isang magniniyog, malaking tulong ito upang madagdagan ang kanyang pagkakakitaan at mas magagamit ang bakanteng lupa sa ilalim ng kanilang niyugan.