UPANG patuloy na palakasin ang kabuhayan ng mga magmamais sa CALABARZON, isinagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang Harmonization of Corn Production Data ng Laguna at Cavite noong ika- 10 at ika-12 ng Oktubre, upang makalap ang kasalukuyang kalagayan ng pagmamaisan sa dalawang lalawigan.
Ang pagbisita ng mga kawani ng DA-4A corn program sa pangunguna ni RTD for Research, Regulations and ILD at focal person ng programa ay upang kapanayamin ang mga Agricultural Technicians (ATs) at Agricultural Extension Workers (AEWs) na nakatalaga sa mga bayan ng naturang probinsya.
Ayon kay RTD Libao, patuloy ang maigting na pakikipag-ugnayan ng kagawaran sa lokal na pamahalaan at nagpapasalamat sa serbisyong inihahatid ng mga ATs at AEWs na malaki ang parte sa pagpapaangat ng kabuhayan ng mga magsasaka ng mais sa rehiyon.
Nagbigay ng mga datos tungkol sa produksyon ng mais sa kani-kanilang mga bayan ang mga dumalo sa pagpupulong. Gayundin, ibinahagi nila ang kasalukuyang kalagayan ng mga naipagkaloob na mga interbensyon sa mga samahan ng magmamais na kanilang nasasakupan, at ang updated na bilang ng lupaing nakalaan para sa pagmamaisan.
Pagbabahagi ni Jesusa Malijan, AEW mula sa Silang, Cavite, alam nila ang kabutihang dulot ng ganitong aktibidad. Aniya, malaki ang tulong nito sa kanila upang mas maunawaan at maisagawa ang mga naiatas na gawain sa kanila bilang tulong sa mga magmamais at sa pagpapaunlad ng industriya ng pagmamaisan hindi lang sa kanilang bayan, kundi sa rehiyon sa pangkalahatan.
Katuwang ang opisina ng Agricultural Programs Coordinating Offices ng mga probinsya kasama ang mga kawani mula sa panlalawigang agrikultor at lokal na pamahalaan, ay matagumpay na natipon ang mga ATs at AEWs at inaasahang ang mga impormasyon at datos na kanilang naibigay ay makakatulong ng malaki sa pagsasagawa ng planong tulong at suporta para sa mga magmamais at mga interbensyong ilalaan sa susunod na taon. Samantala, magpapatuloy ang aktibidad sa iba pang lalawigan sa rehiyon bago matapos ang buwan ng Oktubre