PATULOY ang pagsulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program katuwang ang Jollibee Group Foundation sa proyektong Agro-Entrepreneurship Clustering Approach (AECA) sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga magsasaka ukol sa pagiging entrepreneur.
Ang AECA ay isang proseso na naglalayong maturuan ang mga magsasaka ng mga estratehiya sa pagnenegosyo upang sila ay makapag-suplay sa mas malalaking mamimili gaya ng Jollibee Group Foundation. Hangad nitong iangat ang estado ng pagsasaka mula sa pagiging isang indibidwal na prodyuser tungo sa pagiging mahusay na negosyante na mas pinalalakas sa tulong ng clustering at consolidation.
Kaugnay nito, kamakailan lamang ay isinagawa ang pagsasanay sa AECA na nilahukan ng apat na cluster sa rehiyon. Sila ay ang High Value Crops of Sariaya, Masaganang Magsasaka ng Talahiban 1.0 at 2.0, Luntian Multi-Purpose Cooperative, at General Trias Dairy Raisers Multipurpose Cooperative.
Nagustuhan ni G. Melchor Namuco, pangulo ng cluster ng Masaganang Magsasaka ng Barangay Talahiban Uno at Dos, ang layunin ng AECA na nakapokus umano sa kanilang tuluyang pagkawala sa kamay ng mga trader at tumindig bilang isang mas pinatatag na cluster sa merkado.
Ang aktibidad ay pinangunahan nina F2C2 Focal Person Bb. Jhoanna Santiago, Agribusiness Promotion Section Chief G. Richmond Pablo, High Value Crops Development Program Coffee and Cacao Focal Person Maria Ana Balmes, kasama ang iba pang mga kawani mula sa DA-4A at lokal na pamahalaan.