Manila – Magpapatupad ng ₱125 kada kilo ng imported na pulang sibuyas and Department of Agriculture (DA), bilang suggested retail price o SRP, sa mga merkado simula bukas, February 8, 2023.
Sinabi ito ngayong hapon ni DA Spokesperson Assistant Secretary Kristine Evangelista sa isang panayam sa radyo, na may natukoy na silang mga supplier na handang magbenta ng wholesale na imported onion sa mga retailer para makasunod sila sa SRP.
Kasunod na rin ito ng bumababang presyo ng imported na sibuyas sa merkado.
Ang Department of Interior and Local Government (DILG) kasama ang local price coordinating council at market masters ay tutulong upang masigurong makakasunod ang mga retailer sa itatakdang SRP.
Nilinaw ng DA ipapatupad ang SRP sa imported na sibuyas sa buong Metro Manila lamang at hindi kasama ang presyo ng lokal na sibuyas sa itinakdang presyo.
Ayon naman sa pinakahuling price monitoring ng DA, nasa ₱180-₱260 ang kada kilo ng imported na pulang sibuyas habang nasa ₱230-₱320 naman ang bentahan kada kilo ng lokal na pulang sibuyas.