PARA sa mga militanteng kongresista sa Kamara, hindi angkop na patuloy ang pagkakamal ng mga mayamang pamilya habang nananatiling nagdurusa ang mga maralita.
Kasunod ng inilabas na 2022 World’s Billionaires List ng Forbes Magazine kung saan 20 Pilipino ang nakapasok sa talaan, iginiit muli ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang pagsasabatas ng inihaing panukalang naglalayong patawan ng mas mataas na buwis.
Ayon kay Gaite, panahon nang kumilos ang pamahalaan sa aniya’y maling tinatahak ng lipunan – habang patuloy ang pagyaman ng mga dati ng mayaman, lalo naman aniyang nalulugmok sa hirap ang mga dati nang kinakapos na mamamayan. “During this time of the pandemic and economic downturn, the tax burden should be refocused to those who can afford to pay it, not those already over-burdened working class,” aniya.
Nanguna sa “billionaires’ list” sa Pilipinas ang mga kilalang business tycoons na sina Manuel Villar Jr., Enrique Razon at Henry Sy Jr., na pawang tumaas ang kanilang pwesto sa top billionaires sa mundo.
Hindi naman nagpaiwan ang iba pang negosyanteng sina Andrew Tan, Hans Sy, Herbert Sy, Harley Sy, Teresita Sy-Coson, Elizabeth Sy, Ramon Ang, Lance Gokongwei, Tony Tan Caktiong, Betty Ang, Maria Grace Uy, Nari Genomal, Ramesh Genomal, Sunder Genomal, Roberto Ongpin at Dennis Anthony Uy.
Setyembre ng nakaraang taon nang inihain sa Kamara ng mga militanteng mambabatas ang House Bill 10253 (Super-Rich Tax Act of 2021) na nagpapataw ng 1% na buwis sa bawat bilyon pisong yaman na pag-aari ng mga bilyonaryo.
• 1% para sa asset na nagkakahalaga ng P1B
• 2% para sa asset na nagkakahalaga ng P2B
• 3% para sa asset na nagkakahalaga ng P3BPara kay Gaite, malaking bentahe para sa pamahalaang kinakapos na sa pananalapi ang pagbubuwis sa mga bilyonaryo.
Tataas din aniya ang malilikom na buwis sa mga labis-labis ang yaman.