DADAGDAGAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bilang ng mga Public Utility Bus (PUB) yunit na bibigyan ng Special Permit tuwing special holiday.
Kasunod ito ng inilabas na Memorandum Circular 2023-024 ng LTFRB na nag-aamyenda sa Memorandum Circular 2015-008 at Board Resolution No. 052, Series of 2018.
Sa ilalim ng naturang memorandum, mula sa dating dalawampu’t limang porsyento (25 percent), iaakyat na sa tatlumpung porsyento (30 percent) ang kabuuang bilang ng mga yunit ng PUB na nag-apply sa iisang ruta na papayagang makakuha ng Special Permit tuwing special holiday.
Sa kabila nito, nakasalalay pa rin sa LTFRB kung nararapat bang pagbigyan ang aplikasyon para makakuha ng Special Permit ang ilang bus yunit sa iisang ruta kung magiging dahilan naman ito ng pagka-abandona ng nasabing ruta.
Bukod dito, papalawigin na hanggang sa labing-apat (14) na taon ang year model ng PUB yunit na papayagang bigyan ng Special Permit, mula sa dating sampung (10) taon lamang.
“Special holidays such as Christmas and Holy Week are important holidays that allow many Filipinos to go home even for a few days so that they can reunite with their families, loved ones and friends in the celebration or observation of these dates,” pahayag ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III.
“By allowing more PUBs to ply routes such as those going to the provinces, it will provide commuters with more convenience going home. Sa tulong ng mga karagdagang bus units, mas madali nang makakauwi ang ating mga kababayan dahil mas may kasiguraduhang mayroon silang masasakyan na bus pauwi,” dagdag pa ni Chairperson Guadiz.
Magiging epektibo ang nasabing memorandum para sa pagbibigay ng Special Permit simula sa ika-14 ng Agosto ngayong taon.