
PISONG dagdag sa minimum fare sa pampublikong sasakyan ang hiling sa pamahalaan ng samahang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) dahil sa napipintong bigtime oil price increase.
Paglilinaw ni FEJODAP president Ricardo “Boy” Rebaño, higit pa sa piso ang dapat na pataw sa minimum fare, habang hinihintay pa ang magiging pasya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa petisyong inihain ng iba’t ibang grupong kumakatawan sa public transportation sector.Paniwala ng mga tsuper na kasapi ng iba’t ibang grupo, tila atubili ang pamahalaan bunsod ng magiging epekto nito sa presyo ng iba pang pangunahing bilihin.
Gayunpaman, mas angkop ang piso lang muna ang idagdag sa minimum fare sa paniwalang agad na pagbibigyan ng pamahalaan ang kanilang kahilingan lalo pa’t 10 magkakasunod na linggong taas-presyo kada litro ng krudo na ang kanilang iniinda mula pa Enero.
“Hirap na hirap na po talaga. Ang sabi nga ng iba gusto na nila tumigil sa paghahanapbuhay dahil nga po dito sa mga pangyayaring ito. Masyado naman kaming sinasamantala ng mga malalaking kompanya. Pinagsasamantalahan kami dahil dito sa giyera dito sa Ukraine at Russia at wala namang ginagawa ang pamahalaan para kami ay tulungan,” ani Rebaño.Sa pinakahuling tala ng Department of Energy, pumalo na sa P80 kada litro ang presyo ng gasolina sa mga piling lugar sa bansa.Ayon sa DOE, kakulangan ng suplay sa pandaigdigang merkado ang dahilan ng sunod-sunod sa dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo – at pinalala pa ng hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, dalawang oil-exporting countries na dating bahagi ng Union of Soviet Socialist Republic (USSR).“Amin naman po itong piso na ‘to.
Eh ayun lang naman sana ang pansamantalang labasan ng order na makapaningil na ho nang tama itong aming mga drayber. Piso lang po na pansamantala ang hinihingi namin,” dagdag pa niya.Bukod sa pisong temporary fare hike, giit din ng grupong FEJODAP sa mga kumpanya ng langis ang P2.00 diskwento sa krudo.“Marami na ring ngayon na gas stations na nagbibigay ng diskwento na P2.
Sana naman po, ipagpatuloy nila. Lahat sana ng gasoline stations magbigay na po ng P2 discount sa mga drivers kasi ‘yung subsidy hindi naman direktang natatanggap ng drivers ‘yan, sa operator ‘yan bumabagsak eh.
At kung ‘yung operator walang konsensya, hindi bibigyan ng bahagi yung driver.”Ayon naman kay Mody Floranda ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), umaaray na sila sa walang humpay na pagpapataw ng umento sa mga produktong petrolyo.“Talagang umaaray na po hindi lamang sa sektor ng transportasyon kundi lahat ng mamamayan sapagkat alam naman natin na ‘pag tumataas ang presyo ng petrolyo ay tataas din ang mga bilihin,” aniya.