NAGLABAS ng mahigpit na babala si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina F. Pangandaman laban sa mga mapanlinlang na plano na isinagawa ng mga indibidwal na nagpapanggap bilang mga opisyal o tauhan ng DBM.
Ito ay matapos arestuhin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang walong indibidwal na nagpapanggap bilang mga opisyal o konektado sa DBM.
Ang mga pekeng indibidwal ay inaresto noong ika-26 ng Marso, 2024 sa isang entrapment operation sa Lungsod ng Mandaluyong.
“Mariin po nating kinokondena ang ganitong klaseng gawain. Kapag may mga ganitong klase ng tao na lumapit sa inyo at sasabihing kaya nilang magpalabas ng pondo mula sa DBM, i-report po ninyo kaagad sa kinauukulan”, pahayag ni Sec. Mina.
Kamakailan, natuklasan ng NBI na isa sa mga suspek ay nagpanggap bilang isang Undersecretary ng DBM habang nakikipag-ugnayan sa mga biktima. Sinabi ng suspek na siya ay namumuno sa mga espesyal na proyekto sa loob ng ahensya.
Sa kanilang mapanlinlang na plano, hinimok ng mga suspek ang complainant sa pamamagitan ng pangako ng mga proyektong nagkakahalaga ng P1.3 bilyong kung papayag ito sa inihain na kasunduan.
Gayunpaman, agad nagsagawa ang mapagbantay na complainant ng initial verification sa DBM. Sa kanyang pagkagulat, natuklasan niya na walang record ang ahensya ng officer na ganoon ang pangalan, at ang proyektong binanggit ng mga suspek ay wala sa opisyal na talaan ng ahensya. Dahil sa pagkilala sa kabigatan ng sitwasyon, mabilis na nakipagtulungan ang DBM sa NBI para mag-set up ng entrapment operation.
Nadakip ang mga suspek sa isang restaurant sa Mandaluyong City matapos tanggapin ang marked money na nagkakahalaga ng P500,000.00 mula sa NBI.
“Hinihikayat ko po ang taumbayan na agad maging mapanuri. Ayaw po natin ng ganitong masamang gawain. May this serve as a serious warning to criminals,” sinabi ni Sec. Mina.
Samantala, sa isang panayam kamakailan sa programang Usapang Budget Natin, inihayag ni Attorney Jerome Bomediano, Chief ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division, na ang walong indibidwal na nagkunwaring opisyal ng DBM ay kakasuhan ng estafa sa ilalim ng Revised Penal Code 135 at Usurpation of Authority sa ilalim ng Binagong Kodigo Penal 177.
Bukod dito, hinihikayat ni Atty. Bomediano ang publiko na agad na ireport sakaling may mabatid na mga grupo o indibidwal na nagpapanggap na mataas na opisyal sa gobyerno.
Maaaring magsampa ng mga ulat o reklamo sa pamamagitan ng email address ng DBM public assistance office— public_assistance@dbm.gov.ph, ang hotline nitong 8657-3300 local 2524, at sa pamamagitan ng facebook page ng Usapang Budget Natin. Samantala, maaari ring direktang iulat ng publiko ang mga katulad na concerns sa NBI sa pamamagitan ng kanilang trunkline, (02) 8523-8231 hanggang 38.