PUMANAW ang batikang direktor ng pelikula at lumikha ng komiks na si Carlo J. Caparas noong Sabado, ika-26 ng Mayo, 2024, sa edad na 80.
Sa inilabas na pahayag ng anak nitong si Peach sa facebook post sa pamamagitan ng isang tula para sa yumaong direktor na may pamagat na “Sa Bawat Tipa ng Makinilya.”
“Salamat Direk Carlo J. sa mga dibuho at istorya. Mga istoryang nabuo sa bawat tipa ng iyong makinilya,” ang sinulat ni Peach, nagpapahayag ng pasasalamat para sa ambag ng kanyang ama sa sining at pagsasalaysay ng mga Pilipino.
“Dad, you will forever be loved, cherished, and honored…by all of us,” dagdag pa nito sa kanyang post.
Hindi pinahayag sa publiko ang sanhi ng pagkamatay ni Caparas.
Kilala si Caparas sa kanyang mga karakter sa komiks at mga superhero tulad ng “Ang Panday,” “Bakekang,” “Pieta,” “Totoy Bato,” “Tasya Fantasya,” “Juaquin Bordado,” “Kamandag,” “Elias Paniki,” at “Gagambino.”
Siya rin ang nagdirekta ng “The Vizconde Massacre” kung saan ang pangunahing tauhan ay ginampanan ni Kris Aquino.
Ayon sa kanyang pamilya, ang opisyal na lamay ay magsisimula sa Lunes, mula alas-12 ng tanghali hanggang alas -12 ng hatinggabi, sa Haven Memorial Chapels and Crematorium sa Taguig City.
Naiwan ni Caparas ang kanyang mga anak na sina C.J. at Ysabelle Peach.