DOH Golden Jab award, hagip ng Binangonan
Ni Fernan Angeles

BINIGYANG pagkilala ng Center for Health Development ng Department of Health regional office ang pamahalaang bayan ng Binangonan, Rizal sa patuloy na sigasig sa pagbabakuna kontra COVID-19 sa kabila ng pagsasailalim ng nasabing lokalidad sa Alert Level 1.
Giit ni Binangonan municipal administrator Russel Callanta Ynares, hindi angkop ang pagtamlay sa programang pagbabakuna ng pamahalaan ang pagluluwag na restriksyong batay sa direktiba ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases.
Katunayan aniya, target mabakunahan ng Binangonan LGU ang nalalabing 29% hindi pa nabibigyan ng karampatang proteksyon laban sa nakamamatay na karamdaman.
Sa datos ng Binangonan LGU, 67,611 na lamang sa kanilang kabuuang populasyon ang hindi ba bakunado – bagay na magkatuwang na tinututukan ng kanilang Municipal Health Office (MHO) sa tulong ni DOH regional director Ariel Valencia.
Ayon kay Binangonan Mayor Cesar Ynares, nasa 160,290 sa 227,611 residente na ang naka kumpleto ang turok bilang proteksyon kontra COVID-19. Pagtitiyak ng alkalde, patuloy ang isinasagawang pagtuturok ng booster shots, pediatric vaccination at maging sa hanay ng mga kabataang edad 5 hanggang 11-anyos sa limang vaccination sites.
Ibinukod din ng LGU ang vaccination site para sa mga bata – sa Binangonan Recreation and Conference Center (BRCC).
Sa tala ng DOH-Calabarzon kabilang ang Binangonan sa mga lokalidad na nakapagtala ng pinakamataas na antas ng pagbabakuna.