NAG-ABISO ang Department of Tourism (DOT) CALABARZON para sa mga biyaherong magtutungo sa mga lugar na malapit sa Bulkang Taal dahil sa nararanasang volcanic smog o vog.
Sa inilabas na travel advisory ni DOT CALABARZON Regional Director Marites Castro ngayong Setyembre 22, pinapayuhan ng kagawaran ang mga turista na ipagpaliban muna ang pagpunta sa mga naturang lugar, lalo’t higit kung may sakit sa baga o puso, mga matatanda, buntis, at bata.
Paalala ni Castro na hindi pinapayagan ang pagpasok sa Taal Volcano Island, partikular sa Main Crater at Daang Kastila fissures kung walang permiso mula sa lokal na awtoridad.
Inaabisuhan ng DOT ang mga biyahero na manatili sa loob ng gusaling tinutuluyan o tinitirhan at isara ang pinto at mga bintana. Kung lalabas ay inaabisuhang gumamit ng N95 face mask at kumonsulta sa doktor kung kakailanganin.