AGAD nang sinampahan ng kasong kriminal si dating Presidential Security Group chief Brig. Gen. Jesus Durante kaugnay ng pagpatay sa negosyanteng modelo sa lungsod ng Davao noong Disyembre 29 ng nakalipas na taon
Ayon sa tagapagsalita ng Police Regional Office – 11 na si Major Eudisan Gultiano , kabilang sa inihaing asunto laban kay Durante at siyam na iba pa ang murder, obstruction of justice at pagnanakaw kay Yvonnette Plaza
“We confirm na yesterday ng umaga ay na-file na namin ‘yung cases of murder, theft, and obstruction of justice against the suspects sa pagpatay kay Yvonnette Chua Plaza,” ani Gultiano sa isang panayam sa radyo.
Gayunpaman, walo lang sa 10 sinampahan ng patong-patong na kasong kriminal ang kinilala ng PNP regional command spokesperson, kabilang sina Staff Sergeant Gilbert Plaza, Sergeant Delfin Sialsa Jr, Corporal Adrian Cachero at Noel Japitan na sumuko at kasalukuyang nasa kustodiya ng PRO-11.
Dalawa naman ang kilala lang sa alyas na “Junior” at “Master Sergeant.
Sa interogasyon, hayagang inamin ni Sialsa ang pagpatay at pagnanakaw sa biktima. Inginuso naman Cachero si Durante na di umano’y utak sa pamamaslang. Siya rin di umano ang nagmaneho ng sasakyang ginamit sa pagtakas matapos ang pamamaril kay Plaza.
Ayon pa kay Gultiano, mayroon na silang nasilip na motibo, subalit tumangging munang magbigay ng iba pang detalye, maliban sa may di umano’y relasyong namagitan ng biktima at prime suspect.
“May identified po tayong motibo like itong si Yvonette Plaza ay may hawak na sensitive information na ginagamit niya kay General Durante,” dagdag ni Gultiano.
“It appears po talaga based doon the investigation na may intimate relationship po itong si sila General Durante. According to the confessions natin, at one instance talagang nagsabi si Durante na nagseselos siya.”
Una nang itinanggi ni Durante ang napabalitang relasyon sa pinaslang na negosyanteng modelo.
Nasa kustodiya na rin ni Philippine Army chief Lieutenant General Romeo Brawner Jr. sina Durante at Colonel Michael Licyayo na kapwa akusado.
“Sa ngayon, si General Durante at Colonel Licyayo ang nandito sa amin, nandito sa headquarters ng Philippine Army. ‘Yung iba naman, for example, yung nagsabi na siya po yung gunman ay nandun sa custody ng PNP (Philippine National Police),” ani Brawner.
Samantala, ikinatuwa naman ng grupong Gabriela ang resulta ng imbestigasyon sa pagpatay kay Plaza.
Ayon kay Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, nananabik na silang masaksihan ang pag-aresto sa heneral – “We urge the government to arrest Brig. Gen. Jesus Durante and the 7 army officers involved in the killing – and bring justice to Plaza instead of enabling it.”
“This case adds up to the numerous publicized cases of violence against women perpetrated by men in uniform, and proof of the institutionalized culture of violence within the Armed Forces of the Philippines,’ litanya pa ng militanteng kongresista.