Nagbigay babala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na sisibak sa overseas Filipino worker (OFW) na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon sa pahayag sa Laging Handa public briefing ni Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), iba-blacklist ang employers na gagawin ito batay sa naging direktiba sa kanya ni DOLE Secretary Silvestre Bello III.
Ayon kay Cacdac, hindi na makakakuha ng Filipino worker ang employer sa Hong Kong kapag sinibak ang kasambahay habang may COVID-19.
“Nagdeklara na si Sec.Bello na i-blacklist ang mga employer na ganon ang treatment sa ating manggagawa,” ani Cacdac.
Sinabi ng opisyal na mayroong utos si Bello na kausapin ang mga employer sa Hong Kong at ipaliwanag na sa ilalim ng batas-paggawa ay hindi dapat sinisibak ang kanilang manggagawa.
Batay aniya sa kanilang record, isang employer lamang ang tumangging tanggapin muli ang naka-recover na OFW mula sa COVID-19 kaya idudulog na nila ito sa gobyerno ng Hong Kong.
“Meron ng nakumbinsing employers na tanggapin muli ang kanilang OFWs at yung hindi makumbinsi na nag-iisa lang sa record ay idudulog na narin sa HongKong Labor Authority,” ani Cacdac.