PINATAWAN ng contempt ngayong Miyerkules ng Komite ng Dangerous Drugs ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers si dating Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang dahil sa paglabag sa Rules of the House, na siyang namamahala sa mga imbestigasyon na naayon sa batas.
Madedetine sa loob ng HRep Complex ng 30 araw, na maaaring iapela ang naging desisyon. Nasasaad sa Seksyon 7 ng House Rules na: “Testimony taken or evidence presented in an executive session, or any summary or excerpt thereof, or documents related thereto, in whole or in part, shall not be made public, unless authorized by a majority vote of the Members present, there being a quorum.”
Iniulat ni Rep. Barbers, sa motu proprio na imbestigasyon hinggil sa nasamsam at nadiskubreng P3.6-bilyong halaga ng droga sa Lalawigan ng Pampanga, noong ika-11 ng Oktubre 2023, sa isang press conference na dinaluhan ng iba’t ibang lokal na media at na-stream nang live sa pamamagitan ng Facebook, ay ibinunyag ni dating Mayor Tumang ang isang impormasyong napag-usapan sa isang pribadong pagpupulong ng Kapulungan, na umano’y nagdawit sa kanya.
Sinabi pa ni Rep. Barbers na ang akusado ay hindi man lang dumalo sa nasabing pagpupulong, kung saan sinabi ng huli na ang kanyang pahayag ay batay sa segunda-manong impormasyon mula sa isang indibidwal na dumalo sa pribadong sesyon.
Hindi makapagbigay ng pangalan si dating Mayor Tumang nang tanungin kung sino ang nagbigay sa kanya ng impormasyon.
Humingi ng paumanhin si dating Mayor Tumang sa mga mambabatas sa pagsasagawa ng press conference, at ipinaliwanag niya na “nataranta at natakot” siya matapos malaman ang diumano’y implikasyon at hindi niya alam ang House Rules.
Kinontra naman ni Antipolo City Rep. Romeo Acop na “ignorance of the law excuses no one.” Humingi rin ng tulong ang mga miyembro ng Komite sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa paghahanap sa kinaroroonan ni G. Willy Ong, may-ari ng Empire 999 na bodega, kung saan nadiskubre ang mga droga.
Hiniling din ng Komite sa Registry of Deeds sa Mexico, Pampanga na isumite ang mga rekord na nagpapakita ng kasaysayan ng paglipat ng ari-arian kung saan matatagpuan ang bodega ng Empire 999.