PINAGHAHANAP na ng ng Philippine National Police (PNP) ang nagpapakalat ng maling impormasyon at mga larawan ng mga kalalakihan na pinaslang at inuugnay sa 31 nawawalang sabungero.
Nilinaw ng ng Rizal Provincial Police Office, fake news ang viral na Facebook post kung saan sinasabing siyam sa 31 dinukot na sabungero mula Disyembre 2021 hanggang Pebrero ng kasalukuyang taon ang diumano’y natagpuan sa liblib na bahagi ng Tanay, sa lalawigan ng Rizal.
Sa inilabas na pahayag ng ang PNP sa mga anila’y nananabotahe sa kanilang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng mga magkakahiwalay ng insidente ng pagdukot sa mga sabungerong una nang iniulat na sangkot sa game-fixing.
Paniwala ng pulisya, sadyang inililigaw lang ang publiko sa gitna ng agam-agam ng mga kaanak ng mga biktimang hanggang sa ngayon ay di pa natutunton ng pulisya, makaraang magkakahiwalay na dukutin sa Maynila, Bulacan at mga lalawigan sa Calabarzon region mula pa Disyembre ng nakaraang taon.
Dagdag pa ng PNP, ang mga kumakalat na larawan ng mga nilikidang kalalakihan ay kuha kaugnay ng isang pananambang sa bayan ng Guindulungan sakop ng lalawigan ng Maguindanao nito lamang Pebrero 12 kung saan siyam ang patay habang apat ang sugatan sa nasabing insidente.