Naglabas ng datos ang BFP ngayong buwan ng Fire prevention month upang ipaalala sa publiko ang pag iingat.
Sa kanilang datos sinabi ni BFP spokesperson Analee Carajal-Atienza na pumalo na sa 2,147 ang naitalang insidente ng sunog mula Enero hanggang buwan ng Marso.
Higit na mataas kumpara sa datos na kanilang nakalap sa unang 60 araw ng nakaraang taon.
“Ngayong 2022, from January 1-March 3, tayo po ay nagkaroon ng 2,147 fire incidents. Kumpara po last year, same period, ay 1,943,” ayon kay Carajal-Atienza.
“So tumaas po tayo ng 10.5 percent nationwide. Sa NCR naman po ay 371, compared po last year, 522. So ngayon, sa NCR po, bumaba po tayo ng almost 29 percent,” dagdag pa niya.
Kabilang naman sa nakikitang mitsa ng mga sunog ang problema sa kawad ng kuryente.
“Sa atin pong top 3 causes meron po tayong electrical ignition caused by arching. Yan po yung kuryenteng nag-a-arch from one putol na kawad or wire, nag-a-arch siya sa kabila. Yan po yung mga nag-chip na, naputol, na kinagat minsan ng mga kaibigan natin na mga daga, at hindi nga po well-maintained.”
“So once nag-arch yan, magkakaroon ng spark, at makadikit sa light materials, dyan na po nag-uumpisa ang sunog,” paliwanag pa ng tagapagsalita ng kawanihan.
“Ang sumusunod po dyan ay yung electrical ignition caused by loose connection. So ito naman po yung mga plug natin na minsan ay binubuka natin o minsan naman iniipit, tapos isasaks sa socket ano, akala natin okay na siya. So doon po, another spark na naman.”
Pasok din sa mga dahilan ng sunog ang kapabayaan.
“Yung open flame from cooking so kasama po d’yan yung mga LPG, yung gas stove, at pati na rin po yung firewood. So, sa mga nagluluto po, ayan po sana po wag din po nilang iiwan. At yung mga LPG ay isi-switch off po pagkatapos gamitin at dapat magkaroon din po tayo ng good housekeeping,” aniya pa.
Angkop din aniya kung nasa labas ng bahay ang tangke ng LPG – “Hanggat maaari ang LPG natin ay nasa labas ng bahay. Kung kaya po nating gawan ng set-up na ganoon, may hose lang papunta doon sa ating kalan.”
May paraan din para madaling malaman kung may sumisingaw sa hose ng isang LPG, ayon sa opisyal.
“Kumuha lang po tayo ng sponge or yung kamay natin, lagyan natin ng sabon, ano po ng pag-dishwashing, tapos siya po nating ihagod doon sa hose ng ating tangke, ng LPG. Pag may bumula po ibig sabihin may sumisingaw. So ipa-check po natin yan or papalitan po natin sa ating mga supplier para sigurado po tayo,” aniya.
Para sa mga appliances, mas mainam aniyang ipasuri sa mga eksperto minsan sa isang taon para sigurado.
“Ito po sa electrical, mga cases natin, ang atin po ding pinapaalala, magkaroon tayo ng regular checking, check-up, maintenance ng ating mga linya ng kuryente. At least once a year, ipasuri po natin ito sa mga eksperto, sa mga licensed electrician po talaga. Wag lang po diyan sa kapitbahay natin na tayo’y nagtitipid siguro,” hirit pa ni Caraja-Atienza.
“Pero ang atin pong isipin, mas delikado po kapag ito’y napabayaan nga natin which, ito ng nga po, yung mga cases natin ay dahil nga po dyan sa kapabayaan sap ag-maintain ng ating mga linya ng kuryente.”