PARA tiyakin ang sapat na pagkain o food security, nangako nitong Lunes si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na tutulong siya sa pagdepensa sa 2024 budget ng Department of Agriculture.
Sa kanyang mensahe sa flag-raising ceremony ng DA, iginiit din ni Padilla na kailangang tulungan ng taga-DA ang bagong kalihim na si Francisco Laurel Jr. sa kanyang pagsisikap na bigyan ang Pilipino ng food security.
“Sa darating na panahon, sa usapin ng budget ninyo, kasama akong magdedepensa diyan. Kaya po sana suportahan natin ang bago nating kalihim sa kanyang pakikibaka, sa inyong pakikibaka sapagka’t walang pinakamagandang regalo tayo sa ating mga kababayan kundi ang sapat na pagkain,” aniya.
Ikinalungkot ni Padilla na bagama’t isang agricultural country ang Pilipinas, hindi niya maintindihan kung bakit hindi umuunlad ang sektor ng agrikultura.
Aniya, dapat ginagawang prayoridad ng pamahalaan ang food security. “Maghanap muna tayo ng paraan para magkaroon tayo ng sapat na pagkain,” aniya.
Sa kanyang mensahe, ipinunto ni Padilla na kaibigan niya si Laurel na sumuporta sa kanya nang bumisita siya sa isla sa West Philippine Sea – gamit ang bangka ng ngayo’y kalihim.
Dagdag ni Padilla, bagama’t hindi nila “nilakad” ang kanilang mga posisyon sa gobyerno, binigyan sila ng Diyos ng responsibilidad para maglingkod.
“Pero ito po ang mga bagay na ibinibigay ng Panginoong Diyos dahil marahil nasa kanya pong intensyon ay makatulong po kami sa inyo. Ngayon hindi po kami makakagawa kung hindi nyo po kami tutulungan,” aniya.